Great Hall of the People, Beijing — Binuksan ngayong umaga, Oktubre 16, 2022 ang Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Dumalo rito ang mahigit 2,300 kinatawan ng nasabing Ika-20 Pambansang Kongreso, at ang mga panauhin na hindi miyembro ng CPC. Tatagal ang pulong mula Oktubre 16 hanggang 22 ng kasalukuyang buwan.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, inilahad ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC at Pangulo ng bansa, ang tatlong pangunahing natamong bunga ng mga mamamayang Tsino nitong dekadang nakalipas.
Kabilang dito ang selebrasyon ng sentenaryo ng pagkakatatag ng CPC, pagpasok sa bagong panahon ng sosyalismong may katangiang Tsino, at pagpawi ng ganap na karalitaan at pagkompleto ng pagtatatag ng lipunang may katamtamang kasaganaan sa lahat ng aspekto, saad ni Xi.
Ang naturang mga kahanga-hangang gawa ng sambayanang Tsino ay tiyak na isusulat sa kasaysayan ng nasyong Tsino at magdudulot ng malalim na impluwensya sa mundo, dagdag pa ni Xi.
Ipinangako ni Pangulong Xi ang patuloy na pagsusulong ng kapakanan ng mga mamamayan at pagpapataas ng kalidad ng kanilang buhay.
“Ang bansa ay ang mga mamamayan, at ang mga mamamayan ay ang bansa,” saad ni Xi.
Aniya pa, ang pagkakaloob ng benepisyo sa mga mamamayan ay pundamental na prinsipyo ng pangangasiwa, at kailangang walang humpay na magsikap ang pamahalaan para matugunan ang hangarin ng sambayanang Tsino para sa mas kaaya-ayang buhay.
Patuloy na magsisikap ang CPC para agarang maresolba ang mga kahirapan at problemang pinaka-ikinababahala ng mga mamamayan, diin niya.
Dagdag ni Xi, pabubutihin din ang saligang sistema ng pampublikong serbisyo para mapataas ang antas at mapasulong ang pagkakaroon ng mas balanse at aksesibleng pampublikong serbisyo. Lahat ito ay tungo sa pagsasakatuparan ng komong kasaganaan, paliwanag ng pangulong Tsino.
Ipinapangako aniya ng Tsina ang pagpapabuti ng sistema ng distribusyon ng kita ng bansa – ibig sabihin, pasusulungin ang pagkakapantay-pantay ng mga oportunidad para mapabuti ang buhay ng mga mamamayang may maliit na kita at mapalawak ang sektor ng mga mamamayang may katamtamang-laking kita o middle-income sector.
Pabibilisin ng Tsina ang pagtatatag ng sistema ng pabahay na nagtatampok sa iba’t ibang supplier at iba’t ibang paraan ng suporta. Sa ilalim ng sistemang ito, hihikayatin din ang pag-upa at pagbili ng mga bahay, paliwanag ni Xi.
Upang mapasulong ang Healthy China Initiative, ilulunsad ng aniya ng bansa ang sistema ng polisiya o policy system para mapataas ang birth rate, itatatag ang proaktibong pambansang estratehiya bilang tugon sa pagtanda ng populasyon, at hihikayatin ang pangangalaga at inobatibong pagdebelop ng tradisyonal na medisinang Tsino (TCM).
Kaugnay ng kabuhayang Tsino, sinabi ni Xi na naisakatuparan ng kabuhayang Tsino ang historikal na pag-unlad noong nakaraang dekada.
Sa nasabing dekada, lumaki aniya sa 114 trilyong yuan RMB (halos 16 trilyong dolyares) ang Kabuuang Halaga ng Produksyong Panloob (GDP) ng Tsina mula 54 trilyong yuan lamang.
Umabot din sa 18.5% ang proporsyon ng kabuuang bolyum ng kabuhayang Tsino sa kabuhayang pandaigdig, na mas malaki ng 7.2%, aniya pa.
Saad niya, ang Tsina ay nananatiling ikalawang pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo, at tumaas sa 81 libo mula 39.8 libong yuan ang per capita GDP ng bansa.
Tungkol sa pagbubukas sa labas, ipinagdiinan ni Xi na buong-tatag na palalawakin ng Tsina ang institusyonal na pagbubukas sa labas kaugnay ng mga alituntunin, regulasyon, pangangasiwa at pamantayan.
Aniya pa, magsisikap ang Tsina para mapabilis ang transpormasyon ng nito tungo sa isang bansang mangangalakal ng kalidad.
Pasusulungin din Tsina ang pagtatayo ng Belt and Road Initiative (BRI), at pangangalagaan ang dibersidad at katatagan ng pandaigdig na kabuhayan at ugnayang pangkabuhaya’t pangkalakalan ng mundo, dagdag pa ni Xi.
Bukod pa riyan, ipinahayag ni Xi na hindi kailanman hahanapin at isusulong ng Tsina ang hegemonya at ekspansyonismo.
Diin ni Xi, mariing tinututulan ng Tsina ang anumang porma ng hegemonya at power politics, mentalidad ng Cold War, panghihimasok sa mga suliraning panloob ng ibang bansa, at double standards.
Sa halip, matatag aniyang ignigiit ng Tsina ang mapayapa’t indipiyenteng patakarang panlabas.
Salin: Jade / Lito
Pulido: Rhio