Magkakasunod na ipinadala kahapon, Oktubre 23, 2022 ng mga pulitiko at partido ng ibang mga bansa ang mensaheng pambati sa muling pagkahalal ni Xi Jinping bilang Pangkalahatang Kalihim ng Ika-20 Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Ipinahayag ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya na ang mga kapasiyahan ng Ika-20 Pambansang Kongreso ng CPC ay makakatulong sa pagsasakatuparan ng mga target ng Tsina hinggil sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan.
Kasama ni Xi, nakahanda aniya siyang patuloy na isagawa ang konstruktibong diyalogo at mahigpit na kooperasyon para pasulungin ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Cyril Ramaphosa, Pangulo ng Timog Aprika at Presidente ng African National Congress, na lubos na pinahahalagahan ng kanyang partido ang relasyon sa CPC.
Sinabi pa niyang ang pagdaraos ng Ika-20 Pambansang Kongreso ng CPC ay patnubay sa direksyon ng pag-unlad ng CPC at Tsina sa hinaharap.
Naniniwala aniya siyang maibibigay ng CPC ang bagong ambag para sa katarungan at kapayapaan ng buong daigdig.
Kabilang sa iba pang pulitiko at partidong nagpahayag ng pagbati ay mula sa mga bansang gaya ng Argentina, South Sudan, Belarus, Kazakhstan, Kyrgyzstan, Turkmenistan, Pakistan, Hungary, Mauritius, Brazil, at Sierra Leone.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio