Ipinadala Nobyembre 6, 2022 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Andry Nirina Rajoelina ng Madagascar ang mensaheng pambati sa isa’t-isa bilang paggunita’t pagdiriwang sa ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.
Ani Xi, sapul nang maitatag ang diplomatikong relasyong Sino-Madagascar, nananatili itong matatag at malusog.
Nitong ilang taong nakalipas, naging mabunga rin aniya ang kooperasyon at pagpapalitan ng dalawang bansa sa iba’t ibang larangan.
Kasama ng Madagascar, nakahanda ang Tsina na patuloy na pataasin ang antas ng bilateral na kooperasyon para makapaghatid ng mas malaking benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang panig, saad ni Xi.
Ipinahayag naman ni Rajoelina na sapul nang maitatag ang ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa nitong 50 taong nakalipas, patuloy na lumalalim ang pag-unlad ng bilateral na kooperasyon sa iba’t ibang larangan at masagana rin ang mga natamong bunga.
Saad niya, sa tulong ng Tsina, nakahanda ang Madagascar na itatag ang mas mahigpit na bilateral na relasyon ng dalawang bansa.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio