Kasama ng SMNI Foundation, ipinamahagi Nobyembre 7, 2022 ng Embahadang Tsino sa Pilipinas ang tubig-maiinom, bigas at iba pang suplay sa mga apektado ng bagyong Paeng sa Barangay Dila, Bay, Laguna.
Ayon sa Embahadang Tsino, sa loob ng darating na ilang araw, patuloy itong mag-aayuda sa mga apektado sa Visayas at Mindanao.
Hanggang sa kasalukuyan, Php4 na milyon na ang naipagkaloob ng Embahadang Tsino sa SMNI Foundation bilang suporta sa mga gawaing panaklolo.
Sa pahayag na inilabas ng Embahadang Tsino, inilahad nito ang paghanga sa pagka-optimistiko ng mga Pilipino sa harap ng mga hamon.
Patuloy na ibabahagi ng mga Tsino ang kanilang pagmamahal at pagmamalasakit sa mga Pilipino upang mapanatili ang malalim na pagkakaibigan, anang pahayag.
Bukod pa riyan, sa tulong ng Chinese community, inihatid ng Embahadang Tsino sa Pilipinas ang bigas na nagkakahalaga ng Php1.6 na milyon sa Albay at iba pang suplay na nagkakahalaga rin ng Php1.6 na milyon sa Camarines Sur bilang ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Paeng.
Nananalig ang Embahadang Tsino, na sa ilalim ng malakas na pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tiyak na mapagtatagumpayan ng mga Pilipino sa apektadong lugar ang kahirapan.
Sa kabilang dako, kasama ng Philippine Chinese Students and Scholars Association (CSSAP), namigay rin ng 2,600 paketeng bigas sa mga apektado sa Cavite ang Filipino-Chinese Community Philippines Chinese Chamber of Commerce & industry Inc (PCCCII).
Sa kanya namang mensahe ng pakikiramay na ipinadala Nobyembre 3, 2022, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pagkabigla sa idinulot na malaking kasuwalti at kapinsalaan sa ari-arian ng bagyong Paeng.
Sa ngalan ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino, ipinaabot niya ang pakikidalamhati sa mga biktima, at pakikiramay sa mga naulilang pamilya at mga nasugatan.
Nananalig aniya siyang, sa pamamuno ni Pangulong Marcos Jr., at pamahalaang Pilipino, tiyak na malalampasan ng mga tao sa mga apektadong lugar ang kalamidad, at muling maitatayo ang kani-kanilang tahanan.
Nakahanda ang panig Tsino na magbigay ng tulong sa panig Pilipino, sa abot ng makakaya para sa rekonstruksyon pagkaraan ng kalamidad, dagdag ni Xi.
Salin: Lito
Pulido: Rhio
Photo Courtesy: Facebook account ni Embahador Huang Xilian ng Tsina sa Pilipinas