Tsina, handa na makipagkooperasyon sa iba’t-ibang bansa sa larangan ng kaligtasan ng pagkaing-butil

2022-11-13 11:06:08  CMG
Share with:


Isang nakasulat na mensahe ang ipinadala nitong Sabado, Nobyembre 12, 2022 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa International Forum on Hybrid Rice Assistance and Global Food Security na idinaos nang araw ring iyon sa Beijing.

 

Tinukoy sa mensahe ni Xi na ang kaligtasan ng pagkaing-butil ay pundamental na isyung may kaugnayan sa kaligtasan ng sangkatauhan.

 

Ani Xi, nitong kalahating siglo na ang nakararaan, una at matagumpay na sinubok-yari sa Tsina ang hybrid rice at malawakan itong pinalaganap.

 

Bunga nito, nagpapakain aniya ang Tsina ng 20% populasyon ng buong daigdig sa pamamagitan ng 9% pababa lupang masasaka ng buong mundo, at ang Tsina ay nagsisilbing pinakamalaking bansang nagpoprodyus ng pagkaing-butil at ika-3 pinakamalaking bansang nagluluwas ng pagkaing-butil sa daigdig.

 

Sinabi ng pangulong Tsino na mula noong 1979, kinalat ang hybrid rice sa halos 70 bansa na nakakapagbigay ng namumukod na ambag para sa produksyon ng pagkaing-butil at pag-unlad ng agrikultura ng iba’t-ibang bansa, at nagkakaloob ng planong Tsino para sa paglutas sa problema ng kakulangan ng pagkaing-butil sa mga umuunlad na bansa.

 

Ipinagdiinan pa ni Xi na sa kasalukuyan, mahigpit at masalimuot ang pandaigdigang situwasyon ng kaligtasan ng pagkaing-butil. Nakahanda aniya ang panig Tsino na magsikap kasama ng iba’t-ibang bansa sa buong daigdig para mapalakas ang kanilang kooperasyon sa larangan ng kaligtasan ng pagkaing-butil at pagbabawas ng karalitaan.