Ngayong taon ay ika-20 anibersaryo ng pagkakalagda sa Declaration on the Conduct (DOC) of Parties in the South China Sea.
Kaugnay nito, ipinalabas kamakailan ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang magkakasanib na pahayag bilang paggunita sa naturang anibersaryo.
Ayon dito, batid ng iba’t-ibang may-kinalamang panig na ang mapayapa, mapagkaibigan, at kooperatibong South China Sea ay mabuti sa kanilang kapakanan.
Binalik-tanaw rin nito ang mga natamong bunga ng Tsina at mga bansang ASEAN sa pagsasakatuparan ng DOC at hinangaan ang mga natamong progreso sa pagsasanggunian ng Code of Conduct (COC) for the South China Sea.
Hinggil dito, ipinahayag Nobyembre 14, 2022 ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ipinakikita ng nasabing magkasanib na pahayag ang kompiyansa at determinasyon ng Tsina at ASEAN upang pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa nasabing karagatan.
Ipinakikita rin aniya nitong may kakayahan, kompiyansa, at katalinuhan ang kapuwa panig sa maayos na paghawak sa di-pagkakasundo.
Kasama ng mga bansang ASEAN, patuloy, komprehensibo, at mabisang ipatutupad ng Tsina ang DOC, pabibilisin ang pagsasanggunian tungkol sa COC, at walang patid na palalalimin ang diyalogo at pagtutulungang pandagat upang magkaroon ng mapayapa, mapagkaibigan, at kooperatibong South China Sea.
Samantala, ipinatalastas kamakailan ng Office of the Press Secretary (OPS) ng Pilipinas ang pagtanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM) sa imbitasyon ni Pangulong Xi Jinping upang dumalaw sa Tsina.
Ayon sa patalastas, nakatakdang isagawa ni PBBM ang dalaw-pang-estado sa Tsina mula Enero 3 hanggang 6, 2023.
Nauna nang ipinahayag ni PBBM na nais niyang kausapin si Pangulong Xi tungkol sa isyu ng South China Sea.
Kaugnay nito, sa kanyang video speech sa seremonya ng pagbubukas ng taunang pulong ng 2022 Bo’ao Forum for Asia (BFA), ipinagdiinan ni Pangulong Xi na palagiang nagpupunyagi ang Tsina para mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng nasabing karagatan, at iginigiit ang mapayapang paglutas sa alitan sa pamamagitan ng mapagkaibigang pakikipagsanggunian at diyalogo sa mga kaukulang bansa.
Maraming beses namang ipinahayag ni PBBM na ang isyu ng South China Sea ay hindi nukleo ng relasyong Pilipino-Sino.
Hindi dapat aniya ito maging limitasyon at hadlang sa kooperasyon ng kapuwa panig.
Nakahanda ang Pilipinas na makipagsanggunian sa Tsina upang magkaroon ng mapayapang kalutasan ang nasabing usapin, at ito ang tamang porma ng pakikipamuhayan ng dalawang bansa, saad ni PBBM.
Sa paraang ito, matatamo aniya ng kooperasyong Pilipino-Sino ang mas maraming bunga, at maihahatid sa mga mamamayan ng dalawang bansa ang mas maraming benepisyo.
Ang isyu ng South China Sea ay isang temang di maiiwasan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, ngunit ito ay isang usaping may kalutasan.
Upang ito’y maayos na hawakan, at itayo ang matatag, mapagkakatiwalaan, at win-win na bilateral na relasyon, sa mula’t mula pa’y nagsisikap ang Tsina at mga kaukulang bansang kinabibilangan ng Pilipinas upang ito’y masolusyunan.
Bagama’t mayroong hidwaan ang Pilipinas at Tsina sa isyung nabanggit, sa pamamagitan ng mga tsanel na tulad ng bilateral na mekanismo ng pagsasanggunian, buong sikap na nakokontrol ang alitan, at ito’y hindi hadlang sa pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Sapul noong Oktubre 2016, 6 na bilateral na pagsasangguniang ang idinaos sa ilalim ng Bilateral Consultation Mechanism (BCM), na itinayo alinsunod sa mahalagang kasunduan ng mga lider ng Pilipinas at Tsina.
Layon nitong isulong ang pagtitiwalaan, kaligtasan at kooperasyong pandagat.
Dahil dito, nagkaroon ng matapat at mapagkaibigang pagpapalitan ang kapuwa panig tungkol sa pangkalahatang kalagayan ng South China Sea, at iba pang isyu, at natamo ang positibong bunga.
Mahigit isang libong taon na ang pagkakaibigang Pilipino-Sino, samantalang ang hidwaan sa dagat ay may ilang taon lamang.
Mas mahalaga ang pagkakaibigang Pilipino-Sino kumpara sa alitan, at mas mahalaga rin ang kooperasyong Pilipino-Sino kumpara sa kontradiksyon.
Sa estratehikong pamumuno nina Pangulong Xi at PBBM, at magkasamang pagsisikap ang kapuwa panig, inaasahang mapagtatagumpayan ang mga negatibong epekto mula sa labas ng rehiyon, makokontrol at maayos na mareresolba ang alitan, magkasamang malilikha ang makabagong “ginintuang panahon” ng relasyong Pilipino-Sino, at maipagpapatuloy ang mahigit isang libong taon nang pagkakaibigan.
Salin: Lito
Pulido: Rhio