Sa kanyang pakikipagtagpo kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. (PBBM), Nobyembre 17, 2022 sa Bangkok, Thailand, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na palagiang pinakikitunguhan ng kanyang bansa ang relasyong Sino-Pilipino sa estratehikong antas.
Ani Xi, sa kanilang pag-usap sa telepono ni PBBM noong nagdaang Mayo, nagmkasundo sila sa pagpapalakas ng apat na mahalagang larangang pangkooperasyon na kinabibilangan ng agrikultura, imprastruktura, enerhiya at pagpapalitang tao-sa-tao.
Umaasa aniya siyang buong sikap na palalakasin ng dalawang bansa ang kalidad ng kooperasyon para magdulot ng pag-unlad sa mga Tsino’t Pilipino.
Nakahanda ang Tsina na panatilihin ang regular na pakikipag-ugnayan sa Pilipinas tungo sa mas mainam na pakakaunawaan; at palawakin ang pag-aangkat ng mga produktong Pilipino, dagdag ni Xi.
Kaugnay ng isyu ng South China Sea, ipinahayag ni Xi na kailangang igiit ng dalawang bansa ang mapagkaibigang pagsasanggunian at maayos na paghawak sa mga pagkakaiba at hidwaan.
Ang Tsina’t Pilipinas ay kapuwa aniya umuunlad na bansa ng Asya, at dapat magtulungan ang dalawang bansa para tutulan ang unilateralismo at pang-aapi.
Samantala, sinabi naman ni PBBM na mahalagang tulong at pagkatig ang ibinigay ng Tsina sa pag-unlad ng Pilipinas.
Patuloy rin aniyang lumalalim ang pagtitiwalaan ng dalawang bansa.
Kaugnay nito, umaasa si PBBM na mapapalawak pa ng dalawang bansa ang mga kooperasyon sa imprastruktura, enerhiya, agrikultura at pagpapalitang tao-sa-tao.
Aniya, dapat ibayo pang pahigpitin ng dalawang bansa ang pag-uugnayan sa mga isyung pandagat.
Inulit din niya ang patuloy na paggigiit ng Pilipinas sa patakarang isang Tsina, at indipendiyente at walang pinapanigang patakrang panlabas.
Nakahanda ang Pilipinas na isagawa ang aktibong pakikipagsanggunian sa Tsina para pasulungin ang magkasamang paggagalugad ng langis at natural na gas sa dagat, saad pa ni PBBM.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio