Punong Ministro ng Kambodya at Ministro ng Tanggulang-bansa ng Tsina, nagtagpo

2022-11-21 15:20:35  CMG
Share with:

Nagtagpo kahapon, Nobyembre 20, 2022, sa Phnom Penh, Kambodya, sina Hun Sen, Punong Ministro ng Kambodya at Wei Fenghe, Kasangguni ng Estado at Ministro ng Tanggulang-bansa ng Tsina.


Sinabi ni Hun Sen, na sa panunungkulan ng Kambodya bilang tagapangulo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa taong 2022, pumasok sa pinakamabuting panahon sa kasaysayan ang relasyon ng ASEAN at Tsina.


Aniya, aktibo isinusulong ng Kambodya ang paglagda sa Code of Conduct sa South China Sea (COC), at umaasa siyang magkasamang mapapangalagaan ang kapayapaan at kapanatagan sa nasabing karagatan.


Samantala, pinasalamatan ni Hun Sen ang People’s Liberation Army (PLA) sa malaking pagkatig at tulong nito sa pag-unlad ng hukbong Kambodyano.


Umaasa siyang mapapalakas pa ng mga hukbo ng dalawang panig ang kooperasyon sa iba’t-ibang larangan.


Nitong nakaraang dalawang taon, sinabi ni Wei, na nakayanan ng dalawang hukbo ang epekto ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), at isinagawa ang pragmatikong kooperasyon sa mga larangang gaya ng pagpapalitan sa mataas na antas, pagtatatag ng mga mekanismo,  magkasanib na pagsasanay at ensayong-militar, at pagsasanay ng mga tauhan.


Umaasa si Wei na lalo pang mapapalalim at mapapalawak ng mga hukbo ng Tsina’t Kambodya ang ugnayan at kooperasyon para ibayo pang mapasulong ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng dalawang bansa, tungo sa magkasamang pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.


Bukod dito, nakipagtagpo rin si Wei kay Tea Banh, Pangalawang Punong Ministro at Ministro ng Tanggulang-bansa ng Kambodya at Hun Manet, Deputy Commander-in-chief ng Royal Cambodian Armed Forces at Commander ng Royal Cambodian Army.


Salin: Kulas

Pulido: Rhio/Jade