Sa pag-uusap sa Beijing, Nobyembre 28, 2022 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Ukhnaagiin Khurelsukh ng Mongolia, kapuwa nila sinang-ayunan ang pagsusulong ng modernisasyon.
Bukod dito, inilabas din ng dalawang bansa ang magkasanib na pahayag, na isang positibong senyal sa pagpasok ng kanilang bilateral na relasyon sa bagong yugto.
Taglay ng Tsina’t Mongolia ang 4,700 kilometro ng hanggahan, pinakamahabang lupang hanggahan sa mundo.
Sapul nang sumiklab ang pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), 30 libong tupa ang ipinagkaloob ng Mongolia sa Tsina bilang tulong.
Sa loob ng maikling panahon, tinanggap naman ng Mongolia ang tsaa ng Tsina.
Sa pagsiklab din ng pandemiya sa Mongolia, ibinahagi ng Tsina ang kaukulang karanasan at sa abot ng makakaya ibinigay sa Mongolia ang mga kagamitan sa pakikibaka laban sa pandemiya.
Ito ang salamin ng tunay na mabuting kapitbahayan, pagkakaibigan, at pagiging magkatuwang.
Kaugnay nito, ipinagdiinan ni Pangulong Xi ang kahandaan ng panig Tsino na igalang kasama ng Mongolia ang pagsasarili, soberanya at kabuuan ng teritoryo ng isa’t-isa, igalang ang landas ng pag-unlad na kani-kanilang pinili, at katigan ang isa’t-isa sa mga isyung may kaugnayan sa nukleong interes ng kapuwa panig.
Inulit naman ni Pangulong Ukhnaagiin Khurelsukh ang buong tatag na pananangan ng kanyang bansa sa patakarang isang Tsina.
Diin pa niya, buong lakas na kinakatigan ng Mongolia ang Global Development Initiative at Global Security Initiative na iniharap ng Tsina.
Ayon sa magkasanib na pahayag na inilabas ng dalawang bansa, 16 na dokumentong pangkooperasyon na nakapokus sa konektibidad at enerhiya ang nilagdaan.
Sa kasalukuyan, mabilis na sumusulong ang pagbabago ng situwasyong pandaigdig, patuloy ang pandemiya ng COVID-19, nahaharap ang daigdig sa napakaraming hamon, at ang kaunlaran ay nananatiling pinakamabuting kalutasan sa lahat ng problema.
Ayon sa Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), ang modernisasyong Tsino ay hindi lamang makakatulong sa sariling kasaganaan at kaunlaran, kundi magbibigay rin ng benepisyo sa mga kapitbansa at buong mundo.
Ito ay malinaw na senyal sa direksyong nais tahakin ng Tsina.
Salin: Lito
Pulido: Rhio