Relasyong Sino-Australyano, pauunlarin batay sa paggagalangan at mutuwal na kapakinabangan

2022-12-21 17:03:06  CMG
Share with:

Nagpadala ng mensahe sa isa’t-isa ngayong araw, Disyembre 21, 2022, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at Governor-General David Hurley at Punong Ministro Anthony Albanese ng Australya bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Australya.

 


Tinukoy ni Pangulong Xi, na sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, mabunga ang aktuwal na mga kooperasyon sa iba’t-ibang larangan, at ang mga ito ay nagdulot ng benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang panig. 

 

Aniya, bilang dalawang mahalagang bansa sa rehiyong Asya-Pasipiko, ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Australyano ay hindi lamang angkop sa pundamental na kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang panig, kundi mabuti rin sa pagpapasulong ng kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng rehiyon at buong daigdig.

 

Lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang pag-unlad ng relasyon sa Australya, at kasama ng Australya, nakahandang magsikap ang Tsina upang igiit ang prinsipyo ng paggagalangan at mutuwal na kapakinabangan, at mapasulong ang sustenableng pag-unlad ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa, dagdag ni Xi.

 

Ito rin aniya ay magreresulta sa walang humpay na benepisyo para sa mga mamamayan ng Tsina at Australya.

 

Samantala, ipinahayag ni Hurley na ang makasaysayang kapasyahan, 50 taon na ang nakalipas ay naglagay ng tumpak na direksyon sa pag-unlad ng relasyon ng Australya at Tsina, at idinulot din nito ang pagkakataon para sa paglaki at pag-unlad ng dalawang panig.

 

Sa hinaharap, patuloy na magsisikap ang Australya para sundin ang komprehensibong estratehikong partnership, at paunlarin ang matatag at konstruktibong relasyon sa Tsina batay sa diwa ng paggagalangan at mutuwal na kapakinabangan.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio