Sa kanyang pakikipagtagpo sa Beijing, Disyembre 21, 2022 kay Dmitry Medvedev, dumadalaw na Tagapangulo ng United Russia Party, sinabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na ang pagpapalitan ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at United Russia Party sa mahabang panahon ay nagsisilbing espesyal na tsanel at plataporma ng pagpapalakas ng pagtitiwalaang pulitikal, pagpapasulong ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, at pagpapakita ng estratehikong kooperasyon ng dalawang bansa.
Ito aniya ay nagkakaloob ng malakas na suporta sa patuloy na pag-unlad ng relasyon ng Tsina at Rusya sa makabagong panahon.
Tinukoy ni Xi na nitong 10 taong nakalipas, naranasan ng relasyong Sino-Ruso ang mga pagsubok tulad ng pagbabago ng situwasyong pandaigdig, pero, nananatiling malusog at matatag ang pag-unlad ng relasyong ito.
Nakahanda ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Ruso para walang patid na mapasulong ang relasyong Sino-Ruso sa makabagong panahon at magkasamang mapasulong ang pagsasa-ayos ng buong mundo tungo sa mas makatarungan at makatuwirang direksyon.
Ipinahayag naman ni Medvedev, na ang kooperasyon ng United Russia Party at CPC ay mahalagang bahagi ng relasyong Ruso-Sino.
Nakahanda aniya ang kanyang partido na palakasin ang pakikipagpalitan sa CPC sa pangangasiwa ng estado, mabuting isakatuparan ang mahalagang napagkasunduan ng mga lider ng dalawang bansa, at aktibong pasulungin ang kooperasyong Ruso-Sino sa mga larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, enerhiya, at agrikultura.
Salin: Lito
Pulido: Rhio