Estratehiko’t diplomatikong diyalogo ng Tsina at Australya, idinaos

2022-12-22 15:37:28  CRI
Share with:

Idinaos sa Beijing, Disyembre 21, 2022 nina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Penny Wong, dumadalaw na Ministrong Panlabas ng Australya ang estratehiko’t diplomatikong diyalogo.


Ipinahayag ni Wang na ang kasalukuyang taon ay ika-50 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Australya, at ang biyahe ni Wong ay may mahalagang katuturan.


Nitong ilang taong nakalipas, lumitaw aniya ang kahirapan at kabiguan sa relasyong Sino-Australyano, at dapat lubos itong pag-aralan.


Sinabi pa niyang pagpapanatili ng malusog at matatag na pag-unlad ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at Australya ay hindi lamang angkop sa pundamental na kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi makakabuti rin sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyong Asya-Pasipiko at buong mundo.


Ipinahayag naman ni Wong na ang matatag at konstruktibong relasyong Australyano-Sino ay angkop sa kapakanan ng dalawang bansa at rehiyong ito.


Iginigiit aniya ng bagong pamahalaang Australyano ang patakarang isang Tsina, at maayos na hahawakan ang hidwaan ng dalawang bansa.


Matapos ang pag-uusap, ipinalabas ng kapuwa panig ang magkasanib na pahayag.


Sinang-ayunan nilang pananatilihin ang pagdadalawan sa mataas na antas, at sisimulan o panunumbalikin ang diyalogo sa mga larangang kinabibilangan ng bilateral na relasyon, kabuhayan at kalakalan, pagbabago ng klima, suliraning pandepensa, isyung panrehiyon at pandaigdig, at iba pa.


Salin: Lito

Pulido: Rhio