Nag-usap sa telepono nitong Sabado, Pebrero 12, 2022 sina Sergey Lavrov, Ministrong Panlabas ng Rusya, at Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika kung saan tinalakay ang tungkol sa relasyong Ruso-Amerikano at maiinit na isyung pandaigdig na tulad ng situwasyon ng Ukraine.
Sa pag-uusap, ipinagdiinan ni Lavrov na ang ginagawang panunulsol ng Amerika at mga kaalyadong bansa nito sa umano'y isyu ng “paghahanda ng Rusya sa pagsalakay sa Ukraine,” ay magsagawa ng probokasyon sa Rusya, at isulong ang paglutas ng Ukraine sa isyu ng Donbas sa pamamagitan ng dahas.
Inulit din niya na binabalewala ng Amerika at North Atlantic Treaty Organization (NATO) ang mga pangunahing isyung iniharap ng panig Ruso tungkol sa pagbabawal ng ekspansyon ng NATO sa dakong silangan, hindi pagdedeploy ng agresibong sandata sa paligid ng hanggahan ng Rusya, at iba pa.
Ayon pa sa Russian media, inihayag sa pag-uusap ni Blinken ang pagkabahala ng Amerika sa gagawing “pagsalakay” ng Rusya sa Ukraine.
Sinabi niya na bukas pa rin ang pinto upang malutas ang nasabing krisis sa diplomatikong paraan.
Kamakaila'y napakabilis na umasim ang relasyon ng Rusya at Ukraine, at idineploy ng kapuwa panig ang napakaraming sundalo at sandata sa purok-hanggahan ng dalawang bansa.
Salin: Lito
Pulido: Rhio