Sa loob ng tatlong buwan, matatapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte. Naging maganda ang relasyon ng Pilipinas at Tsina nitong nakalipas na anim na taon. Bagamat nananatili ang isyu sa karagatan, naging mabunga ang ibang aspekto ng bilateral na ugnayan ng dalawang bansa, kabilang na rito ang paglaban sa pandemiya ng COVID-19, impraestruktura, kabuhayan, at kalakalan. Ngunit, sa ilalim ng bagong liderato, kumusta kaya ang magiging lagay ng ugnayang ito?
Ito ang naging paksa ng online forum na pinamagatang Independent Foreign Policy and the Philippine Pivot to China: Gains and Challenges na itinaguyod ng Association for Philippines-China Understanding (APCU) nitong Marso 24, 2022.
Natutunghayan ngayon ng komunidad ng daigdig ang paglipat ng kapangyarihan mula sa nag-iisang bansa tungo sa mas maraming malakas na bansa. Ang kaganapang ito ay binansagang paglipat mula sa unipolar na sistema tungo sa multipolar na sistema. Paliwanag ni Prof. Bobby Tuazon, Director for Policy Studies ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) wala nang dominant na bansa sa mundo o bansang may global hegemony. Kaya dapat isulong ng bagong administrasyon ang pagtiwalag ng Pilipinas sa cold war alliance, huwag yumukod sa pressure ng Amerika, at kumalas sa di patas na mga kasunduang militar.
Si Prof. Bobby Tuazon
Ayon naman kay Dr. Chester Cabalza, Ph.D. President and Founder ng International Development and Security Cooperation (IDSC), bukod sa konseptong multipolar, may umuusbong ding konsepto na tinatawag na multiplex world. Ito ay kinakikitaan ng masiglang ugnayan sa pagitan ng mga bansang may lumalagong ekonomiya. Ibinigay na halimbawa ni Dr. Cabalza ang mga bansang tulad ng Tsina, India, Indonesia at Rusya.
Si Dr. Chester Cabalza
Kung iaayon ng Pilipinas ang patakaran sa ugnayang panlabas sa“Diversification,” maaaring magkaroon ng magandang posisyon ang bansa sa ilalim ng world order na ito. Sinabi pa ni Dr. Cabalza, susi sa mas makapangyarihang posisyon ng bansa ay ang matatag na ekonomiya at malakas na pambansang seguridad. Dagdag pa niya, magandang halimbawa ang Indonesia at Biyetnam dahil kaya nitong igiit ang sariling interes sa harap ng mga malaking bansa.
Hinggil sa isyu ng South China Sea (SCS), sinabi ni Prof. Tuazon na ang susunod na administrasyon ay dapat lubusang gamitin ang Bilateral Consultation Mechanism (BCM).
Ang BCM ay mekanismong itinatag noong 2017 upang mapayapang talakayin ang magkaibang posisyon hinggil sa SCS at isulong ang pagkakaibigan at pagtutulungan ng dalawang bansa. Sa pamamagitan ng BCM naganap ang mahalagang milestones sa pagtatatag ng kumpiyansa na nagpalakas ng mutual trust at praktikal na kooperasyong pandagat.
Pinuna rin si Dr. Tuazon na dapat italaga ng bagong pangulo ang “competent diplomat” sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) para makipag-usap sa mga opisyal na Tsino.
Aniya pa, dapat ding pagtuunan ng bagong administrasyon ng Pilipinas ang pagpapatupad ng nalalabing mga proyektong napagkasunduan sa Tsina at maging ang pagpapaliit ng trade imbalance sa Pilipinas. Nilagdaan ng Pilipinas at Tsina ang 29 na kasunduan at MOUs nang dumalaw si Pangulong Xi Jinping sa bansa noong 2018.
Ulat: Machelle Ramos
Patnugot sa nilalaman: Jade/Mac
Patnugot sa website: Jade
Larawan: Mac