OP-Ed: Napapanahong pagsusulong ng ugnayang Pilipino-Sino, lilikha ng bagong “ginintuang panahon”

2023-01-03 17:10:20  CRI
Share with:

Sa paanyaya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, isinasagawa mula Enero 1 hanggang 5, 2023, ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang dalaw-pang-estado sa Tsina.


Si Marcos Jr. ay ang unang dayuhang pangulong tinganggap ng Tsina sa taong 2023.


Ito rin ang unang pagdalaw ni Marcos Jr. sa Tsina bilang pangulo, at kanyang unang opisyal na pagdalaw sa isang bansang di-miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).


Ang pagdalaw na ito ay nagpapakita ng lubos na pagpapahalaga ng dalawang bansa sa kanilang bilateral na relasyon.


Sa panahon ng pananatili sa Tsina, magtatagpo sina Pangulong Marcos Jr. at Pangulong Xi Jinping ng Tsina para pag-usapan ang mahahalagang isyung gaya ng bilateral na relasyon at iba pang mga isyung panrehiyon at pandaigdig, upang magkasamang pagplanuhan at bigyang-patnubay ang pag-unlad ng ugnayan ng dalawang bansa sa hinaharap.


Kaugnay nito, may matandang kasabihang Tsino, "Ang tunay na kaibigan ay kasing-halaga ng ginto."

Noong 1974, bilang espesyal na sugo ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., dumalaw sa Tsina ang dating Unang Ginang na si Imelda Marcos, kasama ang noon'y bata pang si Ferdinand Marcos Jr..


Matapat at mainit naman silang tinanggap ng mga lider Tsinong sina Mao Zedong at Zhou Enlai.

Noong 1975, nagtungo sa Tsina si Pangulong Marcos Sr. at pormal na itinatag ang relasyong diplomatiko ng Pilipinas at Tsina.


Ito ay simula ng bagong historikal na kabanata sa ugnayang ng dalawang bansa.


Sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng Pilipinas at Tsina, mabuti itong umunlad, walang patid ang pagdadalawan sa mataas na antas, at walang humpay na lumawak ang kooperasyon sa iba't-ibang larangan.


Nitong ilang taong nakalipas, dahil sa estratehikong pamumuno ng mga lider ng dalawang bansa, iginiit ng Pilipinas at Tsina ang mapagkaibigang pakikipamuhayan, pagtutulungan para sa komong kaunlaran, at itinayo ang komprehensibo't estratehikong kooperasyon.


Sa pamamagitan din ng magkasamang pagpapalalim sa ugnayan ng "Belt and Road" Initiative at estratehiyang "Build Build Build," isinagawa ng Pilipinas at Tsina ang halos 40 pampamahalaang proyektong pangkooperasyon na sumasaklaw sa paglaban sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), gawaing panaklolo sa kalamidad, konstruksyon ng imprastruktura, agrikultura, at iba pang larangan.


Nitong nagdaang 6 na taong singkad, ang Tsina ay nanatiling pinakamalaking trade partner ng Pilipinas, pangunahing bansang pinagmumulan ng dayuhang pondo ng Pilipinas, at ikalawang pinakamalaking destinasyon ng pagluluwas ng Pilipinas.


Ang mga natamong bunga ng pragmatikong kooperasyong Pilipino-Sino ay nakakapagpatibay sa mithiin ng mga mamamayan at panlipunang relasyon ng dalawang bansa.


Hinggil dito, ipinahayag kamakailan ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) ng Pilipinas na plano nitong patuloy na lumahok sa inisyatiba ng "Belt and Road," dahil ito ay nakakapagpabuti ng programa ng pamahalaan sa konstruksyon ng imprastruktura.


Kaugnay naman ng isyu ng South China Sea, inihayag ng DFA na sa panahon ng pagbisita ni Marcos Jr. sa Tsina, lalagdaan ng kapuwa panig ang isang kasunduang naglalayong pigilan ang "miskalkulasyon at miskomunikasyon."


Umaasa si Pangulong Marcos Jr. na sa pamamagitan nito, mapapanatili ang kapayapaan at katatagan sa nasabing karagatan.


Ang isyu ng South China Sea ay di-maiiwasang tema sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, pero ito'y may kalutasan.


Noong Hunyo ng nagdaang taon, malinaw na ipinahayag ni Marcos Jr. na hindi dapat ipakahulugan ang kabuuan ng relasyong Pilipino-Sino bilang isyu ng South China Sea.


Patuloy aniyang isasagawa ng Pilipinas ang positibong atityud sa pagpapasulong ng pakikipagkooperasyon sa Tsina para maayos na hawakan ang hidwaan sa South China Sea at mapasulong ang magkasamang paggagalugad ng enerhiya sa karagatan.


Ang Pilipinas at Tsina ay may katalihuhan at kakayahan upang alisin ang negatibong epekto ng nasabing isyu, kontrolin ang alitan, at abutin ang positibong progreso sa mga aspektong gaya ng magkasanib na paggagalugad sa karagatang ito.

Noong Nobyembre 17, 2022, nagtagpo sa Bangkok, Thailand sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng Pilipinas.

Magtatagpo sina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Marcos Jr., at sasalubungin ng relasyong Pilipino-Sino ang bagong pagkakataon ng pag-unlad.


Sa ilalim ng estratehikong pamumuno ng mga lider ng dalawang bansa, patuloy na pauunlarin ng kapuwa panig ang ugnayang Pilipino-Sino – isang ugnayang magkasamang itinatag at mataimtim na hinubog ng mga beteranong lider ng dalawang bansa, upang likhain ang "tatlong mabuting relasyon:" mabuting pagkakapit-bahayan, mabuting pagkakamag-anakan, at mabuting pagkakatuwangan.


Ang napapanahong pagpapalakas ng kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina ay lilikha ng bagong "ginintuang panahon" sa ugnayang Pilipino-Sino.


Salin: Lito

Pulido: Rhio / Jade