Simposyum kasama ang mga dayuhang eksperto sa Tsina, idinaos ni Li Keqiang

2023-01-19 14:27:20  CMG
Share with:

 

Sa simposyum na idinaos, Enero 18, 2023 ni Premyer Li Keqiang ng Tsina kasama ang mga dayuhang ekspertong nagtatrabaho sa bansa, nagpasalamat siya sa kontribusyon ng mga dayuhang manggagawa sa pagrereporma, pagbubukas, modernisasyon, at pagsusulong ng pagpapalitan at kooperasyon sa pagitan ng Tsina at iba pang bansa.

 

Ipina-abot din ni Li ang kanyang pagbati para sa Pestibal ng Tagsibol o Bagong Taong Tsino sa naturang mga dayuhang manggagawa at kanilang mga pamilya.

 

Umaasa siyang gagamitin ng mga dayuhang eksperto ang kanilang kakayahan upang magsulong ng mas marami pang payo’t pananaw tungo sa pagpapabuti ng mga operasyon at gawain ng pamahalaang Tsino.

 

Kaugnay nito, ibinahagi naman ng mga ekspertong mula sa Alemanya at Singapore ang kanilang mga suhestiyon at ideya sa panahon ng simposyum.

 

Ani Li, patuloy na kinakaharap ng kabuhayang Tsino ang mga kahirapan at hamon, pero naniniwala siyang dahil sa implementasyon at optimisasyon ng mga hakbang sa pagpigil at pagkontrol sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), mabilis na makakabangon ang ekonomiya ng bansa.

 

“Isusulong natin ang implementasyon ng serye ng mga polisiya at gawaing mag-iistabilisa sa ekonomiya, paglaki, empleyo’t presyo ng mga bilihin, at tayo’y magpupuyagi upang mapabuti ang ekonomikong operasyon sa taong ito,” saad ng premyer Tsino.

 

Dagdag pa niya, ilan sa mga pangunahing priyoridad ng pamahalaang Tsino ay: pag-unlad ng kabuhayan, reporma sa merkado, pagprotekta sa karapatan at interes ng mga dayuhang mamumuhunan, pagpapalakas ng kompiyansa ng mga pribadong negosyo, at pagsusulong ng kapaligirang paborable sa merkado’t internasyonal na negosyo.  

 

Nananatili aniyang desidido ang Tsina sa paggigiit ng saligang polisiya na pagbubukas sa labas, at para rito, lalo pang pag-iigihin ang pagbubukas ng domestikong merkado upang mabigyang akses ang mga dayuhang mamumuhunan.

 

Hinihintay ng pamahalaang Tsino ang mas marami pang dayuhang talento upang magtrabaho at mamuhay sa bansa, dagdag ni Li.

 

Patuloy rin aniyang pabubutihin ng Tsina ang lebel ng ginahawa at serbisyong ipinagkakaloob sa mga dayuhang talento. 


Salin: Ernest

Pulido: Rhio