Kaukulang panig sa talastasan ng isyung nuklear ng Iran, nagpapalitan ng impormasyon

2023-01-23 12:37:48  CRI
Share with:

Ipinahayag Enero 22 (local time), 2023 ni Ministrong Panlabas Hossein Amir-Abdollahian ng Iran, na kasalukuyang nagpapalitan pa rin ng impormasyon ang iba’t-ibang kaukulang panig sa talastasan tungkol sa komprehensibong pagpapatupad ng kasunduan ng isyung nuklear ng Iran.


Ipinahayag niya na tiniyak na ng iba’t-ibang panig ang mga hakbang sa pagkakaroon ng pinal na kasunduan.


Ipinagdiinan din niya na napakahalaga ng pagpapalitan ng mga impormasyon sa diplomatikong paraan. Sa talastasan tungkol sa pagpapatupad ng kasunduan, ang pangangalaga sa kapakanan ng estado ay pinakamahalaga para sa Iran, aniya pa.


Matatandaang noong Hulyo ng 2015, narating ng Iran, Amerika, Britanya, Pransya, Rusya, Tsina, at Alemanya ang kasunduan ng isyung nuklear ng Iran.


Noong Mayo ng 2018, unilateral na tumalikod ang Amerika sa kasunduang ito. Pagkatapos nito’y napanumbalik at idinagdag nito ang isang serye ng sangsyon laban sa Iran.


Mula noong Abril ng taong 2021, idinaos ng kaukulang panig ng nasabing kasunduan ang maraming beses na talastasan sa Vienna upang talakayin ang tungkol sa pagpapanumbalik ng pagpapatupad ng Amerika at Iran ng kasunduang ito. Indirekta itong nilahukan ng Amerika.


Salin: Lito

Pulido: Ramil