Ipinahayag ngayong araw, Pebrero 6, 2023 ng China Federation of Logistics & Purchasing (CFLP), na umabot sa 49.2% ang Purchasing Managers’ Index (PMI) ng buong daigdig noong nagdaang Enero, at ito’y tumaas ng 0.6% kumpara noong Disyembre 2022.
Pinasulong ng mabilis na pagbangon ng manupaktura ng Tsina ang pagbangon ng kabuhayang pandaigdig, dagdag ng CFLP.
Ayon naman kay Xu Hongcai, Eksperto ng China Association of Policy Science (CAPS), na ipinakikita ng nasabing pagtaas ng PMI na unti-unti nang tumatatag ang pandaigdigang kabuhayan at dapat pasulungin pa ng iba’t-ibang bansa ang pagpapasigla ng ekonomiya.
Sa kabilang dako, sinabi niyang naririyan pa rin ang negatibong epekto ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa kabuhayang pandaigdig.
Kaugnay nito, ipinagdiinan niyang dapat patuloy na pahigpitin ng iba’t-ibang bansa ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan para pasulungin ang pagbangon ng kabuhayang pandaigdig.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio