Kaugnay ng pagpapanumbalik ng Tsina, Lunes, Pebrero 6, 2023 ng subok-operasyon ng ahensyang panturismo para sa mga grupo ng paglalakbay sa ibayong dagat, ipinahayag ngayong araw, Pebrero 7, ni Mao Ning, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA), na dumating na ang unang pangkat ng mga grupong panturista ng Tsina sa mga bansang gaya ng Thailand, Indonesya, Kambodya, Singapore, United Arab Emirates, at Ehipto.
Umaasa aniya ang Tsina, na ipagkakaloob ng naturang mga bansa ang ligtas at maginhawang serbisyo sa mga biyaherong Tsino.
Sinabi ni Mao, na ang pagpapanumbalik ng paglalakbay ng mga grupong panturista ng Tsina sa ibayong dagat ay malaking magpapasigla sa pamilihang panturismo at magpapasulong sa pagbangon ng kabuhayang pandaigdig.
Patuloy na pasusulungin ng Tsina ang pagpapalagayan ng mga Tsino at mga mamamayan ng iba’t-ibang bansa tungo sa pagkakaloob ng mas maraming enerhiya at kompiyansa sa pagbangon ng kabuhayang pandaigdig, ani Mao.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio