Limang hakbang sa paggawa ng tradisyunal na cloisonne ng Tsina

2023-02-17 15:19:16  CMG
Share with:

Ang paggawa ng cloisonne ay komprehensibo at sopistikado, dahil pinagsasama-sama rito ang mga teknik na gaya ng paggawa ng copperware at porselana, pagpipinta, at paglilok.

 

Mayroong limang hakbang sa paggawa ng cloisonne Tsino.

 

Una ay paggawa ng hulmaan. Tanso ang gamit ng mga craftsmen bilang materyales sa paggawa ng hulmaan dahil madali itong banatin at ikorte. Gamit ang martilyo, kinokorte nila ang mga pirasong tanso para maging ibat-ibang hugis, at idinudugtong ang mga ito sa pamamagitan ng paghinang.

 

Ang ikalawang hakbang ay welding. Gamit ang gunting at tiyani upang baluktutin ang mga tansong kable, ang mga ito ay idinidikit ng mga craftsmen sa ibabaw ng hulmaan para makalikha ng samut-saring padron na gaya ng bulaklak, ibon, bundok at ilog. Tapos, pagtitibayin ang mga ito sa pamamagitan ng napakataas na temperatura.

 

Sunod ay ang paglalagay ng enamel. Gamit ang dropper at maliit na tulos na tinatawag na蓝枪lánqiāng,unti-unting ipinapatak ng mga craftsmen ang makukulay na glaze sa pagitan ng mga tansong kable. Tapos, inilalagay ito sa smelter, para matunaw ang mga glaze. Kailangan nilang ulitin ng tatlo o apat na beses ang prosesong ito, hanggang maging maayos ang mga kulay at makinis ang enamel.

 

Ikaapat ay ang pagpapakintab. Ginagamit ng mga craftsmen ang hasaan at uling, upang ibayo pang pakinisin at pakintabin ang cloisonne. Kailangang maging napakaingat at konsentrado, para hindi masira ang ibabaw nito.

 

Ang huling hakbang ay ang pagdudurado o gilding upang maiwasan ang pagkawala ng metal, at maging mas maganda ang cloisonne.

 

 

Video/Script: Kulas

Pulido: Rhio/Jade