Sa bukas na debatehang idinaos kamakailan ng United Nations Security Council (UNSC) hinggil sa pagsabog ng tubo ng Nord Stream, inihayag ng panig Tsino, na nararapat isagawa ang propesyonal, makatarungan at obdiyektibong imbestigasyon dahil ito ay may kinalaman sa kapakanan at pagkabahala ng iba’t-ibang bansa.
Suportado rin ng Tsina ang pagpapabilis sa proseso ng imbestigasyon para linawin ang katotohanan sa lalong madaling panahon.
Sapul nang maganap ang naturang insidente sa katapusan ng Setyembre 2022, magkahiwalay na isinagawa ng Denmark, Alemanya at Sweden ang imbestigasyon.
Pero hanggang ngayon, hindi pa rin nila nahahanap ang katotohanan at kung sino ang may-kagagawan.
Noong Pebrero 8, 2023, isiniwalat ni Seymour Hersh, isang sikat na Amerikanong mamamahayag, na ang pagsabog ng tubo ng Nord Stream ay isinagawa ng Central Intelligence Agency (CIA), sa kautusan ni Pangulong Joseph Biden ng Amerika.
Ang mga tubo ng gas ng Nord Stream ay mahalagang transnasyonal na imprastruktura at ugat ng transportasyon ng enerhiya.
Ang pagsabog ay nagdulot ng malubhang epekto sa pandaigdigang merkado ng enerhiya at kapaligirang ekolohikal, kaya may karapatan ang mga mamamayan ng daigdig na malaman ang katotohanan sa likod ng pagsabog na ito.
Maliban diyan, ang insidente ay isyung may kinalaman sa katatagan at seguridad ng buong Europa.
Sa makatuwid, ang makatarungan at obdiyektibong imbestigasyon sa insidenteng ito, at paghanap sa mga may-kagagawan ay makakabuti sa pagsasagawa ng mas makatuwirang konklusyon at pagpapasulong kalutasan sa krisis ng Ukraine sa pamamagitan ng diyalogo at talastasan.
Panghuli, ang makatarungan at obdiyektibong imbestigasyon sa naturang insidente ay mabisang proteksyon sa pandaigdigang katarungan at pagkakapantay-pantay.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio