Kinatawang Tsino, inilahad ang posisyon ng Tsina sa krisis ng Ukraine

2023-02-26 15:33:51  CRI
Share with:

Sa kanyang talumpati sa bukas na pulong ng United Nations (UN) Security Council tungkol sa isyu ng Ukraine, inilahad Pebrero 24, 2023 ni Dai Bing, charge d'affaires ng pirmihang delegasyong Tsino sa UN, ang posisyon ng panig Tsino tungkol sa kalutasang pulitikal sa krisis ng Ukraine.


Sinabi ni Dai na isinapubliko Pebrero 24 ng Tsina ang dokumento ng “Paninindigang Tsino sa Pulitikal na Kalutasan ng Krisis sa Ukaine.” Aniya, palagiang iginigiit ng panig Tsino ang obdiyetibo at pantay na atityud sa krisis na ito, at nakahanda itong patuloy na patingkarin ang responsable at konstruktibong papel para sa pagpapahupa ng situwasyon at paglutas sa krisis.


Ipinagdiinan niya na sa paghawak at paglutas sa hidwaang pandaigdig, dapat tupdin ang pandaigdigang batas na kinabibilangan ng layunin at prinsipyo ng “Karta ng UN.” Dapat totohanang igarantiya ang soberanya, pagsasarili, at kabuuan ng teritoryo ng iba’t-ibang bansa, aniya pa.


Kasabay ng pagbibigay-diin ng ilang bansa sa soberanya at kabuuan ng teritoryo sa isyu ng Ukraine, lantaran nilang pinanghihimasok ang suliraning panloob at sinisira ang soberanya at kabuuan ng teritoryo ng ibang bansa, ito ang ganap na double standard, diin pa ni Dai.


Ipinahayag niya na kung talagang nais isulong ang kalutasang pulitikal sa isyu ng Ukraine, dapat hanapin ang komong seguridad. Dapat itakwil ang mentalidad ng “Cold War” at bloc confrontation, at dapat ding pahalagahan at lutasin ang makatwirang pagkabahalang panseguridad ng iba’t-ibang bansa upang maitayo ang balanse, mabisa, at sustenableng rehiyonal na arkitekturang pangkatiwasayan, saad ni Dai.


Dagdag niya, walang anumang nanalo sa sagupaan, at ang diyalogo at talastasan ay tanging tumpak na kalutasan sa pagresolba sa krisis ng Ukraine.


Diin pa ni Dai, hindi dapat gamitin ang sandatang nuklear sa anumang kondisyon. Sa harap ng panganib na dulot ng paglala ng krisis ng Ukraine, dapat isabalikat ng mga malalaking bansa ang kanilang espesyal at mahalagang responsibilidad, at dapat din nilang panatilihin ang pagkokoordinahan at pagsasanggunian upang buong sikap na pigilin ang krisis na nuklear, ani kinatawang Tsino.


Salin: Lito