Sa pag-uusap, Miyerkules, Marso 1, 2023 sa Beijing nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Alexander Lukashenko ng Belarus, sinabi ng pangulong Tsino, na ang de-kalidad na pag-unlad at modernisadong konstruksyon ng Tsina ay magdudulot ng bagong pagkakataon para sa iba’t-ibang bansa kabilang na ang Belarus.
Mataas ding hinangaan ni Xi ang matatag na pagkatig ng Belarus sa mga paninindigang Tsino sa mga isyung may kinalaman ng Taiwan, Xinjiang, Hong Kong at karapatang pantao.
Ipinahayag naman ni Lukashenko na kinakatigan ng kanyang bansa ang pangangalaga ng Tsina sa sariling nukleong kapakanan at aktibong lalahok ang Belarus sa Belt and Road Initiative, Global Development Initiative at Global Security Initiative.
Samantala, sumang-ayon ang dalawang panig sa pagpapahigpit ng kooperasyon sa kabuhayan, kalakalan, siyensiya, agrikultura, industriya at konstruksyon ng mga proyektong gaya ng China-Belarus Industrial Park at China-Europe Railway Express service.
Kaugnay naman ng isyu ng Ukraine, tinukoy ni Xi na palagian at maliwanag ang paninindigang Tsino sa isyung ito.
Isinapubliko na rin aniya ng Tsina ang dokumento ng paninindigang hinggil sa pulitikal na kalutasan nito.
Hinggil dito, sinabi ni Lukashenko na sang-ayon ang kanyang bansa sa paninindigan at mungkahi ng panig Tsino hinggil sa pulitikal na kalutasan ng krisis sa Ukraine.
Matapos ang pag-uusap, nilagdaan nina Xi at Lukashenko ang magkasanib na pahayag hinggil sa ibayo pang pagpapasulong ng relasyon ng dalawang bansa.
Sumaksi din ang dalawang lider sa paglagda sa mga dokumento ng kooperasyon sa mga larangang gaya ng kabuhayan, kalakalan, industriya, adwana, siyensiya at teknolohiya, kalusugan, turismo, palakasan at pamahalaang lokal.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio