Marso 5, 2023, Great Hall of the People, Beijing – Sa ulat pampamahalaan ni Premiyer Li Keqiang ng Tsina sa pagbubukas ng unang sesyon ng Ika-14 na Pambansang Kongresong Bayan (NPC), sinabi niyang naging matatag ang kabuhayang Tsino noong 2022.
Lumakas din aniya ang kalidad ng pag-unlad ng bansa, at napapanatiling nasa magandang kondisyon ang lipunan.
Natamo ng Tsina ang bagong bunga ng pag-unlad, dagdag niya.
Sinabi ni Li na noong 2022, lumaki ng 3% ang halaga ng Gross Domestic Product (GDP) ng Tsina, umabot sa 12.06 milyon ang bagong trabaho sa mga lunsod, at tumaas ng 2% ang Consumer Price Index (CPI).
Sa gitna aniya ng masalimuot na kalagayan, nakamtan pa rin, sa kabuuan ng Tsina ang mga pangunahing target ng pag-unlad sa 2022. Ito ay nagpapakita ng malakas na pleksibilidad ng kabuhayang Tsino, saad niya.
Ang nasa 5% paglaki ng GDP ay inaasahang hangarin ng pambansang kabuhayan sa kasalukuyang taon, dagdag pa niya.
Kaugnay ng isyu ng Taiwan, ipinagdiinan ng premyer Tsino na dapat igiit ang prinsipyong isang Tsina, matinding tutulan ang “pagsasarili ng Taiwan,” at isulong ang mapayapang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang ng Taiwan Straits upang mapabuti ang proseso ng mapayapang unipikasyon ng Nasyong Tsino.
Ipinagdiinan din niya na matatag na iginigiit ng Tsina ang independiyente’t mapayapang patakarang diplomatiko, pagtahak sa landas ng mapayapang pag-unlad, mapagkaibigang pakikipagkooperasyon sa iba’t-ibang bansa, at estratehiya ng pagbubukas na may mutuwal na kapakinabangan.
Layon aniya ng mga ito na ipagpatuloy ang papel ng Tsina sa pagiging tagapagtatag ng kapayapaan, tagapagbigay ng kaunlaran, at tagapagtanggol ng kaayusang pandaigdig.
Bukod pa riyan, iminungkahi ni premyer Li ang ilang mga hakbang sa taong 2023, upang ma-engganyo ang mga dayuhang kompanya na mamuhunan sa bansa.
Aniya, ang bukas na pamilihang Tsino ay tiyak na magkakaloob ng mas maraming pagkakataon ng pag-unlad para sa mga kompanya ng iba’t-ibang bansa.
Tinukoy din sa ulat na dapat patuloy na palakasin ang suporta sa pagluluwas at pag-aangkat, at mabuting bigyan ng serbisyo ang mga dayuhang kompanya.
Salin: Lito / Sarah
Pulido: Rhio