Mas positibo at konstruktibong papel sa pagpapalakas ng diyalogo ng Saudi Arabia at Iran, handang gampanan ng Tsina

2023-03-12 14:47:56  CRI
Share with:

Ang pag-uusap kamakailan sa Beijing ng Saudi Arabia at Iran na nakatawag ng malaking pansin mula sa iba’t-ibang panig.


Kaugnay nito, sinabi Marso 11, 2023 ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na alinsunod sa positibong inisyatiba ni Pangulong Xi Jinping na suportahan ang pagpapaunlad ng relasyong pangkaibigan ng Saudi Arabia at Iran, nag-usap kamakailan sa Beijing ang delegasyon ng Saudi Arabia na pinamunuan ni Dr. Musaad bin Mohammed Al-Aiban, Ministro ng Estado at Tagapayo ng Seguridad ng Estado, at delegasyon ng Iran na pinamunuan ni Admiral Ali Shamkhani, Kalihim ng Kataas-taasang Konsehong Panseguridad ng Estado.


Magkahiwalay din aniyang nakipag-usap sa kapuwa panig si Wang Yi, kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Direktor ng Tangagpan ng Komite Sentral sa mga Suliraning Panlabas.


Bukod dito, pinanguluhan ni Wang ang seremonya ng pagbubukas at pagpipinid ng nasabing diyalogo, anang tagapagsalita.


Aniya, napagkasunduan ng Tsina, Saudi Arabia at Iran, na ilabas ang magkakasanib na pahayag.


Ipinahayag ng Saudi Arabia at Iran ang kahandaang tupdin ang layunin at prinsipyo ng “UN Charter,” lutasin ang kanilang pagkakaiba sa porma ng diyalogo at diplomasya, at igalang ang soberanya ng iba’t-ibang bansa at di-manghimasok sa suliraning panloob ng iba, dagdag pa niya.


Sumang-ayon din aniya ang kapuwa panig sa pagpapanumbalik ng kanilang relasyong diplomatiko at isagawa ang kooperasyon sa iba’t-ibang larangan.


Samantala, nakahanda ang tatlong panig na magsikap hangga’t makakaya upang mapalakas ang kapayapaan at katiwasayan sa rehiyon at buong daigdig.


Pinapurihan at pinasalamatan naman ng Saudi Arabia at Iran ang Tsina sa pagtataguyod at pagsuporta ng kanilang diyalogo.


Anang tagapagsalita, umaasa ang panig Tsino na mapapalakas ng nasabing dalawang bansa ang pagsasanggunian at diyalogo.


Handa ang Tsina, na patuloy na gumanap ng positibo at konstruktibong papel para rito.


Diin pa ng tagapagsalitang Tsino, walang anumang pribadong kapakanan ang Tsina sa rehiyong Gitnang Silangan, iginagalang nito ang katayuan ng mga bansa sa Gitnang Silangan bilang may-ari ng rehiyon, at tinututulan ang heopulitikal na kompetisyon sa rehiyon.


Sa tulong ng mga may kinalamang panig, nakahanda aniya ang panig Tsino na maging tagapagpasulong sa katiwasayan at katatagan, katuwang sa kaunlaran at kasaganaan, at tagapagsuporta sa pagkakaisa at kasaganaan ng rehiyong Gitnang Silangan.


Salin: Lito

Pulido: Rhio