(Ikatlong Kabanata) Biyaheng diyornalista: Shenzhen, lunsod ng didyital na ekonomiya at intelehenteng lunsod

2023-03-12 16:23:52  CMG
Share with:



Dahil sa mga suliraning pangkabuhayang dulot ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), sigalot sa pagitan ng mga bansa sa Europa, heopolitika, at marami pang iba, nahaharap ngayon sa napakalaking hamon ang pagpapanumbalik ng siglang pang-ekonomiya ng maraming bansa.

Pero dito sa Asya, dahan-dahan nang nagkakaroon ng linaw ang mga bagay-bagay, at ang mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Tsina ang maituturing na tagapanguna sa pagpapanibagong ito.

Gamit ang modernong teknolohiya sa proseso ng pakikipagkomersyo, at pangangasiwa sa mga serbisyong panlunsod, naipakikita ang napakahalagang papel ng kooperasyon at pagtutulungan sa pagpapanumbalik ng kabuhayan matapos ang pandemiya.

Kaugnay nito, nang i-akma ng Tsina ang mga hakbangin kontra sa COVID-19 at pinaluwag ang mga restriksyon sa pagbibiyahe, unti-unting nanumbalik ang sigasig ng kabuhayan ng bansa, at ito ay hindi lamang nakakabuti sa mga kompanyang Tsino, kundi pati na rin sa mga ka-partner nila sa buong mundo, partikular sa Pilipinas at ASEAN.

Upang mailahad sa mga Pilipino, mamamayan ng Timogsilangang Asya, at buong mundo ang kahalagahan ng modernong teknolohiya sa proseso ng pagpapaunlad ng kabuhayan, tungo sa pagpapalakas ng pagkakaunawaan, kooperasyon, at pagpuksa sa karalitaan, inorganisa ng ASEAN-China Centre (ACC), China Daily, at Cyberspace Administration of Shenzhen ang “ASEAN Media’s View on Digital China-Media Tour,” mula Pebrero 20 hanggang 23, 2023.

Isa po ang inyong lingkod sa mga pinalad na naimbitahan.

Ang artikulong ito ay isang paglalagom sa mga personal kong nasaksihan at naramdaman sa naturang biyahe, at isa ring pagtatatangka upang maipa-alam sa buong mundo ang mga umiiral na kooperasyon sa pagitan ng mga kompanyang Pilipino at Tsino na nagpapabuti ng kabuhayan ng dalawang bansa.


Bakit Shenzhen?

Ang lunsod Shenzhen, lalawigang Guangdong, sa gawing Timog ng Tsina ay kilala sa larangan ng lohistika, e-komersyo, paggamit ng modernong teknolohiya, intelehenteng lunsod o smart city, inobatibong lakas-manggagawa, inklusibo’t positibong atityud sa pag-unlad, at marami pang iba, kaya naman ito ang napiling lugar na dalawin ng mga media na nagsasahimpapawid para sa mga bansang ASEAN.

Kabilang sa mga ito ay Serbisyo Filipino-China Media Group (CMG), Vietnam TV (VTV), Khmer Daily, China Daily, at Shenzhen Daily.


Huawei at Guangming Science City

Sa ikatlong araw ng aming biyahe sa Shenzhen, dinalaw ng aming grupo ang Huawei, isang kompanyang pantelekomunikasyon ng Tsina, na may malakas na ugnayan sa mga kompanyang pantelekomunikasyon ng Pilipinas.

Ayon sa“Huawei Investment & Holdings Co., Ltd. 2021 Annual Report,” tinulungan ng Huawei ang mga kostumer nito sa pagsasagawa ng 820,000 network optimization, pag-u-upgrade, at pagpapanibago upang suportahan ang matatag na operasyong pantelekomunikasyon.

Dagdag pa riyan, gumamit din sila ng didyital at intelehenteng teknolohiya upang matagumpay na suportahan ang pagdedeliber ng mahigit 1 milyong wireless site sa buong mundo.

 

Nang manalasa ang COVID-19 sa Pilipinas, nag-charter ng mga eroplano ang Huawei at isinakay ang mga idedeliber na kagamitan sa mga bangka upang maibigay sa mga takdang kostumer  


Ang kanilang operating system na tinatawag na“HarmonyOS” ay patuloy ding pinapabuti, at ngayon ay ginagamit at bahagi na ng didyital na proseso ng pagpapatakbo ng maraming kompanya sa loob at labas ng Tsina sa mga larangang gaya ng pagmimina, konstruksyon ng mga paliparan at puwerto, paghahanap ng langis sa dagat, at marami pang iba.

At dahil sa paggamit nito ng AI, big data, cloud computing, at block chain, ang HarmonyOS ay gumaganap na rin ng mahalagang papel sa pangangasiwa ng mga pampublikong serbisyo ng Shenzhen, tulad ng pampublikong kalusugan at seguridad, pangangasiwa sa trapiko, pagmomonitor ng mga likas na sakuna, at pagpapatakbo ng mga intelehenteng lunsod o smart city.

Matapos ang Huawei ay dumiretso kami sa Guangming Science City.

Ang Guangming Science City ay isang smart city o intelehente, berde’t sustenableng lunsod na pinatatakbo ng AI, cloud computing, big data, block chain at HarmonyOS ng Huawei.


Ang Guangming Central Zone


Matatagpuan sa hilagangkanluran ng Shenzhen, ang Guangming Science City ay ang ikalimang intelehenteng lunsod na itinayo ng Tsina.

Ang iba pang apat ay matatagpuan sa Beijing, Shanghai, Hefei, at Xi’an.

Sa katotohanan, ang mga Science City ay mga modernisadong distrito ng mga lunsod kung saan ine-enkorahe ang paggamit ng modernong teknolohiya upang mapabuti ang mga panlipunang serbisyo, maayos na mapangasiwaan ang kalusugan at pampublikong seguridad, maiging mai-monitor ang mga natural na sakuna, mabawasan ang polusyong dulot ng mga pabrika’t kompanya, at maihatid ang malinis at sustenableng pamumuhay sa mga mamamayan.


Berdeng kapaligiran ng Guangming Science City


Sa Guangming Science City, partikular silang nakapokus sa malinis at masayang pamumuhay habang pinalalakas ang implementasyon ng didyitalisasyon at siyentipikong pag-unlad sa proseso ng komersyo, at ito ang nakaka-akit sa maraming kompanya upang magtayo ng kanilang mga punong-himpilan sa Guangming.


 

Isang tula na kinatha ng AI sa Guangming Science City


Ang kanilang polisiya sa paggamit ng teknolohiya upang magkaroon ng malinis at sustenableng pamumuhay ay tunay na dapat tularan.

Sa tingin ko, ito ang daan na dapat tahakin ng sangkatauhan upang tunay na makamtan ang harmonya sa pagitan natin at kalikasan.

At para maipakita sa ating mga kababayan ang mga pag-unlad ng Guangming Science City, isang livestream ang aking ginawa sa plataporma ng Facebook.

Heto ang link sa ibaba:

https://fb.watch/iZcIZmKjAv/

 

Iba pang lugar

Nagtungo rin ang aming grupo sa Shenzhen University kung saan matatagpuan ang Belt and Road Research Institute for International Cooperation and Development, Shenzhen International Cultural Industry Fair Co., Ltd., at Shenzhen Park Service Center, kung saan matatagpuan ang tulay na nagdurugtong sa Shenzhen at Hong Kong.

 

Artikulo: Rhio Zablan

Patnugot sa teksto at website: Jade

Larawan: Rhio Zablan/CFP/Shenzhen government official website na http://www.szgm.gov.cn/

Espesyal na pasasalamat kay Lydia Tang at China Daily