Sa preskong idinaos sa Great Hall of the People makaraang ipinid ang unang sesyon ng Ika-14 na Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina, Marso 13, 2023, ipinahayag ni Premyer Li Qiang, na hindi lamang ang kabuuang bolyum ang dapat bigyang-pansin sa usapin ng demographic dividend kundi ang kalidad nito.
Nananatiling namumukod aniya ang bentahe ng Tsina sa larangan mayamang lakas-manggagawa, at mahigit 240 milyong Tsino ang mayroong mataas na edukasyon.
Kaya, hindi nawawala ang “demographic dividend” sa Tsina, at bagkus, nabubuo ngayon ang “talent dividend,” diin niya.
Kaugnay ng pag-unlad ng Hong Kong at Macao sa hinaharap, sinabi ni premyer Li na palagiang pinahahalagahan ng pamahalaang sentral ang bentahe at katangian ng kapuwa lugar.
Sapul nang bumalik sa inangbayan, napapatibay at napapataas ang katayuan ng Hong Kong bilang hub ng pinansiyang pandaigdig, nabigasyon, at kalakalan, at samantalang kinikilala naman ang Macao bilang tourism at leisure hub sa daigdig, aniya.
Diin ni Li, tiyak na magiging mas maganda ang kinabukasan ng Hong Kong at Macao.
Salin: Lito
Pulido: Rhio