CMG Komentaryo: Dapat maging maingat sa kooperasyon ng Amerika, Britanya at Australya sa submarinong nuklear

2023-03-15 10:50:41  CRI
Share with:

Nagtagpo kamakailan ang mga lider ng Amerika, Britanya at Australya kung saan isinapubliko ang plano ng pagbibigay ng submarinong nuklear sa Australya.


Ayon sa panig militar ng Australya, tinatayang magtatapos ang planong ito sa taong 2055 na may laang-guguling 245 bilyong dolyares.


Sa kabila ng pagkabahala ng iba’t-ibang panig, lantarang isinapubliko ng nasabing tatlong bansa ang ganitong plano na tiyak na makakasira sa kapayapaan at katatagan sa rehiyong Asya-Pasipiko, makakaapekto sa pandaigdigang sistema ng di-pagpapalaganap ng sandatang nuklear, at manunulsol sa arms race.


Magbubunsod ito ng napakalaking panganib sa hinaharap.


Pawang signataryong bansa ng “Treaty on the Non-Proliferation of Nuclear Weapons (NPT)” ang Amerika, Britanya at Australya. Ngunit ang kanilang plano ay taliwas sa hangarin at prinsipyo ng NPT, at kaukulang regulasyon ng International Atomic Energy Agency (IAEA) at “South Pacific Nuclear Free Zone Treaty.”


Noong isang taon, upang isalegal ang “tangkang nuklear,” maraming beses na black-box operation ang isinagawa ng nasabing tatlong bansa, at nabigo ang mga ito.


Sa kalagayang ito, buong tigas nilang isinapubliko ang detalye ng kanilang kooperasyon sa submarinong nuklear, na ganap na nakatayo sa ibayo ng komunidad ng daigdig.


Layon ng tatlong bansa na buuin ang bloc, magkaroon ng bentaheng militar sa rehiyong Asia-Pasipiko, at gayahin ang paglilinlang ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa panunulsol ng sagupaan sa rehiyon.


Hindi pribadong suliranin ng tatlong bansa ang kooperasyon sa submarinong nuklear, at ito ang may kaugnayan sa kapakanan ng lahat ng kasaping bansa ng IAEA.


Kaya dapat itong pag-usapan at pagpasiyahan ng lahat ng kasaping bansa ng IAEA.


Salin: Lito

Pulido: Ramil