Inimbitahan ni Pangulong Joseph Biden ng Amerika ang mga lider ng iba’t-ibang bansa para dumalo sa di-umano’y ika-2 “Summit for Democracy” na idaraos sa katapusan ng Marso, 2023.
Kaugnay nito, ipinahayag Miyerkules, Marso 15, ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA), na ang nabanggit na summit ay labag sa esensya ng demokrasya.
Aniya, naging mitsa ng paghihiwalay ng buong daigdig ang unang summit na idinaos noong 2021, at ito rin ay nakapinsala sa diwa ng demokrasya.
Kaya, ipinakikita aniya ng summit ngayong taon na ang demokrasya ng Amerika ay maskara lamang ng hegemonya.
Ayon sa survey ng Pew Research Center, halos sangkalima lamang ng mga mamamayang Amerikano ang naniniwala sa kanilang pamahalaan.
Ayon naman sa survey ng Dalia Research ng Alemanya at Alliance of Democracies, ipinalalagay ng 43% ng mga respondiyente sa buong daigdig na ang Amerika ay banta sa demokrasya ng kanilang mga bansa.
Saad ni Wang, palagiang nakikialam ang Amerika sa mga suliraning panloob ng ibang mga bansa sa katuwiran ng demokrasya, at ito ang dahilan kung bakit nagkakagulo ang buong daigdig.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio