​9 na Tsino, patay sa pag-atake sa Central African Republic: pangkagipitang mekanismo, sinimulan ng MOFA

2023-03-20 16:45:54  CMG
Share with:

Siyam (9) na Tsino ang nasawi at 2 iba pa ang nasugatan sa pag-atake laban sa isang kompanyang Tsinong nagmimina ng ginto sa Central African Republic, Marso 19, 2023.

 

Kaugnay nito, ipinahayag Marso 20 ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA), na sinusubaybayan ni Pangulong Xi Jinping ang nasabing insidente, at ipinag-utos ang pagliligtas ng buhay ng mga sugatan, pagdadala ng mga salarin sa hustisya, at paggarantiya sa kaligtasan ng mga Tsino.

 

Alinsunod sa nasabing kautusan, agarang sinimulan ng MOFA ang consular emergency response mechanism, at inilahad nito ang representasyon sa embahada ng Central African Republic sa Tsina.

 

Bukod diyan, nagtungo na rin ang working group ng Embahadang Tsino sa Central African Republic sa lugar ng pinangyarihan upang makipagkoordina sa iba’t-ibang kinauukulang panig para tasahin ang mga susunod na hakbang.

 

Sa kasalukuyan, mataas pa rin ang panganib sa ilang bansa ng Aprika, at madalas na nagpapalabas ng babala ang MOFA sa mga mamamayan at kompanyang Tsino na lumikas mula sa rehiyong may mataas na panganib.

 

Sa pagkakataong ito, muling nananawagan ang MOFA sa mga mamamayan at kompanyang Tsino na huwag na pumunta sa mapapanganib na rehiyon.

 

Kasama ng iba’t-ibang kaukulang departamento, patuloy ang ginagawang pagsisikap para mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mamamayan at kompanyang Tsinong sa Aprika, dagdag ng MOFA.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio