Op-Ed: Isang paghahambing sa pakikibaka ng Tsina at Amerika laban sa COVID-19 nitong 3 taong nakalipas

2023-03-23 15:22:46  CRI
Share with:

Pinanumbalik ng Tsina, Marso 15, 2023 ang pagsusuri at pagbibigay ng iba’t-ibang uri ng bisa sa mga dayuhan.

Ipinakikita nito ang unti-unting pagpapanumbalik sa pakikipagpalagayan sa buong daigdig, na lumilikha ng bagong kondisyong nagpapalakas sa pagpapalitan at pagtutulungan.


Samantala, pinag-uukulan ng mas malaking pansin ng komunidad ng daigdig ang Tsina, at maraming bansa ang umaasa na maibibigay ng umaahong kabuhayang Tsino ang puwersang tagapagpasulong at suporta sa pagpapasigla ng kabuhayang pandaigdig.


Sa paglaban sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) nitong 3 taong nakalipas, isinulong ng Tsina ang ideyang “Komunidad na May Pinagbabahaginang Kapalaran ng Sangkatauhan,” at ang Amerika naman ay ang prinsipyong “Amerika Muna.”


Ang mga ito ay nagbigay ng magkaibang resulta.


Ang “Komunidad na May Pinagbabahaginang Kapalaran ng Sangkatauhan” ay pandaigdigang opinyong nakatuon sa mga komong hamon ng buong sangkatauhan; ang “Amerika Muna” naman ay egoistikong alituntuning ipinatutupad ng pamahalaang Amerikano sa loob ng mahabang panahon, at para lamang sa sariling kapakanan.


Makaraang matuklasan ang COVID-19 sa lunsod Wuhan ng Tsina, iginiit ng pamahalaang Tsino ang bukas at responsableng atityud.


Mula Enero 3, 2020, sinimulan ng Tsina ang regular na pagpapalabas ng datos kaugnay ng corona virus at iba pang kaukulang kalagayang pandemiko sa World Health Organization (WHO) at mga bansa’t rehiyong kinabibilangan ng Amerika.


Walang itong anumang pagpapaliban at pagtatago.

Bukod pa riyan, noong Enero 23, 2020, bisperas ng bagong taong Tsino, isina-ilalim sa lockdown ang lunsod Wuhan – bagay na nagkaloob ng napakahalagang panahon sa pagharap ng buong Tsina at daigdig sa pandemiya.


Sa proseso ng pagpigil at pagkontrol sa pandemiya, palagiang iginiit ng pamahalaang Tsino ang ideyang “pagpapauna sa buhay at kalusugan ng mga mamamayan,” napapanahong ini-optimisa ang mga kaukulang hakbangin, at mabisang inilagay sa balanse ang pagpigil at pagkontrol sa pandemiya at pag-unlad ng kabuhayan.


Sa kabilang dako, sa mga unang araw ng pandemiya, ginamit ng pamahalaang Amerikano ang atensyon at lakas upang dungisan ang reputasyon ng Tsina, sa halip na bigyang-babala ang mga Amerikano hinggil sa kumakalat na sakit.


Dagdag pa riyan, tinawag ni dating pangulong Donald Trump ng Amerika ang corona virus bilang “Chinese virus,” dahilan kung bakit napoot ang mga Amerikano sa mga Tsino’t Asyano.


Dahil dito, nasayang ang maraming panahon na dapat sana ay ginamit sa pagpigil at pagkontrol sa pandemiya.


Kahit ang Amerika ang pinakamaunlad na bansa sa daigdig, magulo ang proseso nito sa pagpigil at pagkontrol sa COVID-19.


Ang Amerika ang siyang may pinakamaraming kumpirmadong kaso at kasuwalti ng COVID-19 sa buong mundo.


Samantala, makaraang malawakang sumiklab ang pandemiya sa buong daigdig, pinabuti ng Tsina ang sariling hakbang sa pagpigil at pagkontrol sa pandemiya, aktibong isinulong ang pagdaigdigang kooperasyon, at nagkaloob ng abot-kayang tulong sa komunidad ng daigdig, partikular sa mga umuunlad na bansa.


Sa kasalukuyan, nasa mahigit 2 bilyong dosis ng bakuna kontra COVID-19 ang naipagkaloob na ng Tsina sa mahigit 120 bansa’t organisasyong pandaigdig.


Ang Tsina ang siyang nagsuplay ng pinakamaraming bakuna sa ibang bansa.

Noong Abril 5, 2020, dumating sa Manila ang grupong binubuo ng 12 tauhang medikal ng Tsina upang tulungan ang panig Pilipino sa paglaban sa pandemiya.

Makaraan ang halos isang taon, lumapag naman sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Pebrero 28, 2021 ang unang pangkat ng bakunang donasyon ng Tsina.

Ang Tsina ay ang naging unang bansang nagkaloob ng bakuna sa Pilipinas.


Pagkatapos nito, pangkat-pangkat na ibinenta ng Tsina sa Pilipinas ang mahigit 55 milyong dosis ng bakuna na katumbas ng mahigit 40% ng kabuuang bolyum ng bakuna sa buong bansa.


Samantala, kahit alam ng Amerika ang malawakang pagkalat ng corona virus sa Pilipinas, hindi ito gumawa ng hakbang, at inagaw pa nito ang mga healthcare worker ng Pilipinas sa pamamagitan ng umano’y “mataas na suweldo.”


Kaugnay nito, mariing pinuna ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Amerika.

Aniya, hindi lang pandemiya ang kinaharap ng Pilipinas, kundi ang kaguluhang nilikha ng Amerika.


Sa katotohanan, mas malala pa riyan ang mga kaguluhang dala ng Amerika, dahil sa aspekto ng bakuna, mas karumal-dumal ang ginawa ng Amerika.

Ayon sa estadistika ng ilang organo’t media, puwersahang binili ng Amerika ang halos 2.6 bilyong dosis ng bakuna, na katumbas ng 1/4 ng kabuuang bolyum ng bakuna sa daigdig.


Ito ay labis-labis sa sarili nitong pangangailangan.

Ngunit sa halip na tumulong sa mga bansang nangangailangan, napakaraming bakuna ang napaso sa mga kamalig ng Amerika.


Sa paghahanap ng pinagmulan ng corona virus, palagiang kinakatigan at nilalahukan ng Tsina ang pandaigdigang kooperasyon, at ibinabahagi ang kaukulang datos at resulta ng pag-aaral sa WHO.


Dalawang beses na bumiyahe sa Tsina ang mga dayuhang dalubhasa ng WHO, upang saliksikin ang pinagmulan ng corona virus.


Bunga nito, inilabas ang siyentipiko at makapangyarihang magkakasanib na ulat ng pananaliksik, bagay na nakapaglatag ng matatag na pundasyon sa usaping ito.


Ngunit, bulag ang Amerika sa mga siyentipikong konklusyon at mungkahi, at walang patid na pinatawan ng presyur ang WHO, at paulit-ulit na hiniling ang pagpunta sa Tsina ng mga dalubhasa upang hanapin ang pinagmulan ng COVID-19.


Sa kabilang banda, ang mga dalubhasa ng WHO ay hindi inaanyayahan ng Amerika upang dumalaw sa bansa at tingnan ang pinagmulan ng corona virus, sa kabila ng paulit-ulit nitong pagbibigay-diin ng pagpapahalaga sa isyu ng pinagmulan ng corona virus.


Noong 2021, isang online petition ang magkakasanib na itinaguyod ng Philippine-BRICS Strategic Studies, Integrated Development Studies Institute (IDSI), at Global Talk News Radio (GTNR), na nanawagan sa WHO na siyasatin ang Fort Detrick bio-labs sa Amerika.

Ngunit hanggang sa ngayon, wala pang reaksyon ang Amerika sa komunidad ng daigdig tungkol sa kalagayan ng bio-labs nito sa Fort Detrick at iba’t-ibang lugar sa daigdig.


Nitong 3 taong nakalipas, nakibaka ang Tsina laban sa pandemiya sa bukas, maliwanag, siyentipiko, at responsableng atityud; ngunit ang pagbabaling ng sisi at responsibilidad sa iba, pagdungis, at pagsasapulitika ay ang atityud naman ng Amerika.


Alin ang mas mabuti? Napakaliwanag hindi ba?


Ulat / Salin: Lito

Pulido: Rhio