Sa pag-uusap sa telepono ngayong araw, Marso 28, 2023 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Mohammed bin Salman Al Saud, Prinsipe Heredero at Punong Ministro ng Saudi Arabia, sinabi ng pangulong Tsino, na kasama ng Saudi Arabia, nakahandang isakatuparan ng Tsina ang mga narating na komong palagay, patuloy na katigan ang isyung may kinalaman sa kani-kanilang nukleong kapakanan, at palawakin ang aktuwal na kooperasyon at pagpapalitang tao-sa-tao.
Tinukoy ni Xi, na ang pagpapabuti ng relasyon sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran ay mahalagang modelo para sa pagpapalakas ng pagkakaisa ng mga bansa sa Gitnang Silangan at pagpapahupa ng tensyonadong kalagayang panrehiyon.
Ipinakikita nito aniya, na ang paglutas sa mga hidwaan sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian ay angkop na tunguhin ng panahon at akma sa kapakanan ng iba’t-ibang bansa.
Inaasahan ni Xi, na patuloy na mapapabuti ng Saudi Arabia at Iran ang relasyon, base sa kanilang diyalogo sa Beijing.
Nakahanda ang Tsina upang patuloy na katigan ang proseso ng susunod na diyalogo, dagdag ni Xi.
Samantala, pinasalamatan naman ni Mohammed bin Salman Al Saud ang lubos na pagkatig ng Tsina sa pagpapabuti ng relasyon ng Saudi Arabia at Iran.
Ipinakikita nito aniya ang papel ng Tsina bilang isang responsableng bansa.
Ang Tsina ay mahalagang kaibigan ng Saudi Arabia at kasama ng Tsina, handa ang Saudi Arabia na pasulungin ang relasyon ng dalawang bansa sa bagong antas, saad niya.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio