Great Hall of the People, Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo Abril 1, 2023 kay Punong Ministro Datuk Seri Anwar Ibrahim ng Malaysia, ipinahayag ni Premyer Li Qiang ng Tsina na nagkasundo ang dalawang panig hinggil sa pagtatayo ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng dalawang bansa, bagay na naglarawan ng blueprint ng pag-unlad ng bilateral na relasyon Tsina at Malaysia sa makabagong panahon.
Sa patnubay nito, pag-i-ibayuhin ng kapuwa panig ang kooperasyong may mataas na kalidad, pasusulungin ang benepisyo ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan, at bibigyan ng puwersa ang pag-unlad ng kapayapaan, katatagan, kaunlaran, at kasaganaan ng rehiyon at buong daigdig, ani Li.
Tinukoy niyang kapuwa umuunlad na bansa at bagong-sibol na ekonomiya ang Tsina at Malaysia, kaya kailangang patingkarin ang bentahe ng isa’t-isa para mas maiging maisulong ang kooperasyon sa susunod na yugto.
Nakahanda ani Li, ang Tsina na palawakin ang pag-aangkat ng mga produkto ng Malaysia, palakasin ang kooperasyon sa larangang agrikultural, at ibahagi ang karanasan sa pagpapa-ahon mula sa karalitaan sa Malaysia.
Kasama ng mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na kinabibilangan ng Malaysia, pasusulungin ng Tsina ang pagsasanggunian tungkol sa Code of Conduct (COC) in the South China Sea upang magkakasamang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa karagatang ito, saad ni Li.
Dagdag pa ng premyer Tsino, patuloy at matatag na susuportahan ng Tsina ang sentral na katayuan ng ASEAN, at kasama ng iba’t-ibang bansang ASEAN, tatahak ang Tsina sa tumpak na direksyon ng kooperasyon sa Silangang Asya upang maitatag ang mas malakas na komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng Tsina at ASEAN.
Ipinahayag naman ni Anwar Ibrahim na may pinagbabahaginang kapalaran ang Malaysia at Tsina, at pawang nagpupunyagi ang iba’t-ibang sektor ng Malaysia upang mapatatag ang pagkakaibigan sa Tsina.
Iginigiit aniya ng Malaysia ang patakarang isang Tsina, at sinusuportahan ang Global Development Initiative, Global Security Initiative, at Global Civilization Initiative na iniharap ng panig Tsino.
Nakahanda ang Malaysia na palalimin ang pakikipagkooperasyon sa Tsina sa mga larangang gaya ng sasakyang de-motor, enerhiya, kultura, agrikultura, at didyital na ekonomiya para ibayo pang mapasulong ang relasyong Malaysiyano-Sino, diin pa niya.
Pagkatapos ng pag-uusap, magkasamang sinaksihan nina Li at Anwar ang paglagda sa mga dokumento ng bilateral na kooperasyon tungkol sa kabuhayan at kalakalan, agrikultura, adwana, at iba pa.
Salin: Lito
Pulido: Rhio