FM ng Tsina at Hapon, nag-usap

2023-04-03 14:44:58  CMG
Share with:

 

Sa pag-uusap kahapon, Abril 2, 2023 sa Beijing nina Qin Gang, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Yoshimasa Hayashi, Ministrong Panlabas ng Hapon, sinabi ni Qin na ang mapayapang pakikipamuhayan at mapagkaibigang kooperasyon ay tangi at tamang pagpili ng relasyong Sino-Hapones.

 

Saad niya, nilatag ng apat na dokumentong pulitikal ng Tsina at Hapon ang pundasyong pulitikal at pambatas para sa relasyon ng dalawang bansa.

 

Umaasa ang Tsina, na hahagilapin ng Hapon ang tamang kaalaman at pag-unawa sa Tsina; palalakasin ng dalawang bansa ang pag-uugnayan at diyalogo, pagpapalitan ng kultura at tao-sa-tao; at maayos na hahawakan at kokontrolin ang mga hidwaan, saad ni Qin.

 

Tinukoy din niyang ang isyu ng pagtatapon ng Fukushima Daiichi nuclear power plant ng nuklear na kontaminadong tubig sa dagat ay mahalagang isyung may kinalaman sa kaligtasan at kalusugan ng buong sangkatauhan, kaya dapat itong responsableng pangasiwaan ng Hapon.

 

Ang isyu ng Taiwan ay may kinalaman sa nukleong interes ng Tsina at ito’y naka-ugnay sa pundasyong pulitikal ng relasyong Sino-Hapones, saad niya.

 

Hinimok ni Qin ang panig Hapones na sundin ang prinsipyo ng apat na dokumentong pulitikal ng dalawang bansa at mga pangakong hindi makikialam sa isyu ng Taiwan at hindi pipinsalain ang soberanya ng Tsina sa anumang paraan.

 

Ipinahayag naman ni Yoshimasa Hayashi na ang 2023 ay ika-45 anibersaryo ng pagkakalagda sa kasunduan ng kapayapaan at pagkakaibigan ng dalawang bansa.

 

Kasama ng Tsina, nakahanda aniya ang Hapon na isakatuparan ang mga komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, pahigpitin ang pag-uugnayan at aktuwal na kooperasyon sa iba’t-ibang antas, at maayos na hawakan ang mga pagkabahalang mahalaga sa bawat panig.

 

Kaugnay ng usapin sa di-umano’y isang Hapones na nag-eespiya sa Tsina, ipinahayag ni Qin na pangangasiwaan ng panig Tsino ang kasong ito batay sa batas.

 

Nagpalitan din ng palagay ang dalawang opisyal hinggil sa kooperasyon ng Tsina, Timog Korea at Hapon; kalagayan ng Korean Peninsula; at reporma ng United Nations Security Council.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio