Sa kanyang pakikipagkita, Abril 2, 2023 sa Beijing kay Yoshimasa Hayashi, Ministrong Panlabas ng Hapon, ipinahayag ni Premyer Li Qiang ng Tsina, na ang pangangalaga at pagpapasulong ng relasyong Sino-Hapones ay hindi lamang angkop sa pundamental na kapakanan ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan, kundi nakakabuti rin sakapayapaan, katatagan at kasaganaan ng Silangang Asya.
Nais ni Li na palakasin ng dalawang bansa ang diyalogo at kooperasyon, at maayos na hawakan at kontrolin ang mga hidwaan.
Aniya, ang isyu ng Taiwan at kasaysayan ay mahalagang usaping may kinalaman sa pundasyong pulitikal ng relasyon ng dalawang bansa, kaya dapat maayos at matapat na pangasiwaan ang mga ito.
Kailangan aniyang isulong ng dalawang bansa ang mga kooperasyon sa kabuhayan at kalakalan, lalo na sa digital economy at green development.
Umaasa rin si Li na magkasamang pangangalagaan ng dalawang bansa ang malayang kalakalan at tunay na multilateralismo para pasulungin ang kaunlaran ng rehiyon at buong daigdig.
Sinabi naman ni Yoshimasa Hayashi na buong sikap na pinasusulong ng Hapon ang kooperasyon sa Tsina, at kasama ng Tsina, nakahandang isakatuparan ng Hapon ang mahahalagang komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa, panatilihin ang pagpapalagayan sa mataas na antas, at isagawa ang diyalogo at pag-uugnayan.
Samantala, kinatagpo rin nang araw ring iyon ni Wang Yi, Kagawad ng Pulitburo at Direktor ng Tanggapan ng Foreign Affairs Commission ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) si Hayashi.
Sinabi ni Wang, na lumitaw sa kasalukuyan ang ilang negatibong elemento sa relasyong Sino-Hapones.
Ito aniya ay nagmula sa pagsunod ng ilang paksyon ng Hapon sa maling patakaran ng Amerika sa Tsina, at pakikipagtulungan sa Amerika para isagawa ang probokasyon sa mga isyung may kinalaman sa nukleong interes ng Tsina.
Pero sa kabila nito, sinabi ni Wang na nananatiling matatag at sustenable ang pakataran ng Tsina sa Hapon.
Umaasa aniya siyang gagamitin ng Hapon ang mga aktuwal na aksyon para isakatuparan ang mahahalagang komong palagay ng dalawang bansa para pabutihin at pasulungin ang relasyong Sino-Hapones.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio