CMG Komentaryo: Tsina, gaganti sa “politikal na palabas” ng Amerika at Taiwan

2023-04-06 11:16:18  CRI
Share with:

Sa panahon ng “pagdaan” ni Tsai Ing-wen, lider ng rehiyong Taiwan, sa Amerika, nagtagpo sila ni House of Representatives Speaker Kevin McCarthy ng Amerika.


Ito ay isa na namang probokasyong pampulitika na magkasabwat na nilikha ng Amerika at Taiwan, sapul nang bumisita si dating House of Representatives Speaker Nancy Pelosi ng Amerika sa Taiwan noong isang taon.


Ang nasabing “pagdaan” sa Amerika ay labag sa prinsipyong isang Tsina at Tatlong Magkasanib na Komunike ng Tsina at Amerika, nakapinsala sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng Tsina, at nagpalabas ng maling senyal sa mga puwersang naninindigan sa “pagsasarili ng Taiwan.”


Ang pagsasabwatan ng Amerika at Taiwan ay siyang pinag-ugatan ng paglala ng maigting na tensyon sa Taiwan Strait.


Ang isyu ng Taiwan ay pinakanukleong kapakanan ng Tsina, at ito rin ang pinakamahalagang pundasyong pulitikal ng relasyong Sino-Amerikano.


Para maayos na maresolba ang isyu ng Taiwan, ang pinakamahalagang dapat gawin ay igiit ang patakarang isang Tsina.


Sa pundasyon ng prinsipyong isang Tsina, 182 bansang kinabibilangan ng Amerika, ang may pormal na relasyong diplomatiko sa Tsina.


May solemnang pangako ang Amerika sa prinsipyong ito.


Noong Disyembre 1978, ipinalabas ang “Komunike ng Pagtatatag ng Relasyong Diplomatiko ng Tsina at Amerika,” kung saan nakasaad na “kinikilala ng pamahalaang Amerikano ang posisyon ng Tsina, na iisa lang ang Tsina sa daigdig at bahagi ng Tsina ang Taiwan.” Ayon pa rito, “kinikilala rin ng pamahalaang Amerikano na ang tanging lehitimong pamahalaan ng Tsina ay ang pamahalaan ng Republika ng Bayan ng Tsina. Sa paunang kondisyong ito, pananatilihin ng mga mamamayang Amerikano ang pakikipag-ugnayang kultural, komersyal at iba pang di-opisyal na relasyon sa Taiwan.”


Sapul nang umakyat sa poder si Pangulong Joe Biden ng Amerika, maraming beses niyang ipinangako na hindi susuportahan ang “pagsasarili ng Taiwan” at ideyang “dalawang Tsina,” o “isang Tsina, isang Taiwan.”


Ngunit, taliwas dito ang kilos ng panig Amerikano.


Bilang House Speaker ng Amerika at ikatlong pinakamataas lider Amerikano, ang pakikipagtagpo ni Kevin McCarthy kay Tsai Ing-wen ay malubhang lumabag sa mga solemnang pangako ng panig Amerikano sa panig Tsino, at grabeng sumira sa sariling reputasyon ng Amerika.


Ito rin ay magdudulot ng napakalaking pinsala sa kapayapaan ng Taiwan Strait, relasyong Sino-Amerikano, at kaayusang pandaigdig.


Ang paglutas sa isyu ng Taiwan ay sariling suliranin ng mga mamamayang Tsino.


Kahit ano pang sabwatan ang gagawin ng Amerika at Taiwan, hindi nito mababago ang historikal na katotohanan at pambatas, na ang Taiwan ay bahagi ng Tsina.


Salin: Lito

Pulido: Rhio