Relasyong Sino-Pranses, pahihigpitin

2023-04-07 12:56:54  CMG
Share with:

Sa pag-uusap nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at kanyang counterpart na si Emmanuel Macron ng Pransya Abril 6, 2023 sa Beijing, kapwa ipinahayag nilang pahihigpitin ang kooperasyon at bilateral na relasyon ng dalawang bansa.


Positibong tinasahan ni Xi ang matatag at malusog na pag-unlad relasyon ng dalawang bansa. Sinabi ni Xi na ang de-kalidad na pag-unlad at pagbubukas ng Tsina ay magdudulot ng mas malaking pagkakataon para sa Pransya.


Kasama ng Pransya, nakahanda ang Tsina na palalimin ang kooperasyon sa agrikultura, kalawakan at abiyasyon, pansibilyang enerhiyang nuklear at pasiglahin ang bagong kooperasyon sa kalakalan ng serbisyo, green development, at inobasyon ng siyensiya at teknolohiya, dagdag pa ni Xi.


Idiniin din niyang nakahanda ang Tsina na panatilihin ang mahigpit na pag-uugnayan at pagkokoordinahan sa Pransya sa mga multilateral na mekanismong gaya ng United Nations, Group 20, World Trade Organization at iba pa, para magkasamang isakatuparan ang tunay na multilateralismo, at harapin ang mga hamong pandaigdig na gaya ng pagbabago ng klima at isyu ng enerhiya.


Ipinahayag ni Macron na suportado niya ang pagtasa at mga mungkahi ni Xi hinggil sa relasyon ng dalawang bansa.


Sinabi niyang iginagalang ng dalawang bansa ang isa’t isa, isinasagawa ang matapat na pagpapalitan, at isinasakatuparan ang mutuwal na kapakinabangan ng kooperasyon sa iba’t ibang larangan.


Saad niyang iginigiit at iginagalang ng Pransya ang prinsipyong isang Tsina. Layon ng pagdalaw sa Tsina aniya na pahigpitin ang kooperasyon sa Tsina, at pasulungin ang pagpapalitan ng kultura.


Umaasa rin aniya siyang patuloy na mapapahigpit ng dalawang bansa ang kooperasyon at pag-uugnayan sa mga isyu ng pagbabago ng klima at seguridad ng pagkaing-butil.


Dagdag pa niyang tinututulan ng Pransya ang pagsasagawa ng komprontasyon at paghihiwalay.


Nagpalitan din sila ng palagay hinggil sa krisis ng Ukraine.


Idiniin ni Xi na palagian at maliwanag ang paninindigang Tsino sa isyung ito na ang nukleo nito ay pulitikal na paglutas sa isyung ito.


Sinabi ni Xi na kinatigan ng panig Tsino ang pagganap ng EU ng papel sa pulitikal na paglutas sa krisis na ito.


Kasama ng Pransya, nakahanda ang Tsina na magkasamang ipanawagan ang komunidad ng daigdig na panatilihin ang pagtitimpi para maiwasan ang pagsagawa ng anumang aksyon sa pagpapalala ng krisis, ani Xi.


Hinangaan ni Macron ang mahalagang papel ng Tsina sa paglutas sa krisis na ito. Ipinahayag niyang iginigiit ng kanyang bansa na kailangang panumbalikin ang talastasang pulitikal at lutasin ang krisis sa paraang diplomatiko.


Pagkatapos ng pag-uusap, magkasamang sinaksihan ng dalawang pangulo ang paglalagda sa mga dokumento ng kooperasyon sa agrikultura, siyensiya at teknolohiya, abiyasyon, pansibilyang enerhiyang nuklear, sustenableng pag-unlad, at kultura.


Magkasamang humarap din sila sa mga mamamahayag ng Tsina at ibang bansa.


Salin: Ernest

Pulido: Ramil/Jade