Sina Xi Jinping at Emmanuel Macron, nagkaroon ng di-pormal na pag-uusap

2023-04-08 14:44:42  CRI
Share with:

Guangzhou, probinsyang Guangdong ng Tsina — Di-pormal na nag-usap hapon ng Abril 7, 2023 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at dumadalaw na Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya.


Mainit na winelkam ni Xi ang pagbisita ni Macron sa Guangzhou, at ipinaabot din niya ang lubos na kasiyahan sa muling pakikipagkita kay Macron.


Inilahad ni Pangulong Xi kay Macron ang esensyal na katangian at nukleong nilalaman ng modernisasyong Tsino. Ipinagdiinan niya na kasalukuyang puspusang pinasusulong ng Tsina ang modernisasyong Tsino.


Ipinahayag naman ni Macron na ang tunay na pagkakaibigan ay pag-uunawaan at paggagalangan sa isa’t-isa.


Hinahangaan aniya ng panig Pranses ang palagiang pagsuporta ng panig Tsino sa paggigiit ng Pransya at Europa sa pagsasarili at pagkakaisa.


Ipinahayag ni Macron ang kahandaan ng panig Pranses na igalang kasama ng panig Tsino, ang nukleong kapakanang tulad ng soberanya at kabuuan ng teritoryo ng isa’t-isa.


Sa hapunan nila, malalimang nagpalitan ng kuru-kuro ang kapwa panig tungkol sa mga isyung kapwa nila pinahahalagahan na gaya ng krisis ng Ukraine.


Tinukoy ni Xi na komplikado ang sanhi ng krisis ng Ukraine, at hindi mabuti sa kapakanan ng iba’t-ibang panig kung ipagpapatuloy ang krisis na ito.


Diin ni Xi, ang pagtitigil-putukan sa lalong madaling panahon ay angkop sa kapakanan ng iba’t-ibang panig at buong daigdig, at ang kalutasang pulitikal ang siyang tanging tamang paraan.


Winiwelkam aniya ng panig Tsino ang pagbibigay ng panig Pranses ng kongkretong plano para sa paglutas sa krisis na ito sa paraang pulitikal. Susuportahan ito ng panig Tsino at nakahandang patingkarin ang konstruktibong papel, dagdag pa niya.


Ipinahayag naman ni Macron na lubos na pinahahalagahan ng panig Pranses ang ginaganampang impluwensiyang pandaigdig ng Tsina.


Nakahanda aniya ang panig Pranses na magsikap kasama ng panig Tsino upang mapasulong ang kalutasang pulitikal sa krisis ng Ukraine sa pinakamadaling panahon.


Salin: Lito

Pulido: Rhio