CMG Komentaryo: Kapayapaan sa Gitnang Silangan, malaki ang pag-unlad

2023-04-11 13:43:31  CMG
Share with:

Sapul nang sumang-ayon ang Iran at Saudi Arabia na panumbalikin ang kanilang relasyong diplomatiko noong Marso 10, 2023 sa Beijing, malaki na ang ini-unlad ng kapayapaan sa Gitnang Silangan.


Una, ipinatalastas ng nasabing dalawang bansa, Abril 6 sa Beijing ang pagpapanumbalik ng kanilang relasyong diplomatiko. Ito’y malaking nagpasulong sa kapayapaang panrehiyon.


Samantala, dumating Abril 8 sa Tehran, kabisera ng Iran, ang delegasyon ng Saudi Arabia para makipagtalakayan hinggil sa mga detalye ng muling pagbubukas ng mga embahada at konsulada sa kapuwa bansa sa isa’t-isa. Ito’y bagong progreso sa planong itinakda ng dalawang panig sa Beijing noong nagdaang Marso.


Ang pagpapanumbalik ng relasyong diplomatiko ng Iran at Saudi Arabia ay naging huwaran ng ibang mga bansa sa Gitnang Silangan tungo sa paglutas ng hidwaan sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian.


Noong Marso, narating ng Saudi Arabia at Syria ang komong palagay hinggil sa muling pagbubukas ng mga embahada ng kapuwa bansa sa isa’t-isa.


Nang sumiklab ang krisis ng Syria noong 2011, bumagsak ang relasyon sa pagitan nito at Saudi Arabia. Itinigil din ng League of Arab State (LAS) ang kuwalipikasyon ng Syria bilang kasaping bansa ng LAS.


Pero, pagkatapos mapanumbalik ang relasyon ng Saudi Arabia at Syria, posibleng muling makabalik ang bansa sa LAS.


Bukod dito, napanumbalik na rin ang relasyon sa pagitan ng Turkiye at Ehipto. Noong katapusan ng nagdaang Marso, nagtagpo sa Cairo, kabisera ng Ehipto ang mga ministrong panlabas ng dalawang bansa para ipatalastas ang pagpapanumbalik sa hinaharap ng kanilang bilateral na relasyon sa antas ng embahador.


Ang pagiging payapa ng Gitnang Silangan ay angkop sa komong hangarin ng mga mamamayan doon.


Sa kabilang dako, ang krisis ng Ukraine ay isang paala-ala sa mga bansa sa Gitnang Silangan na dapat palakasin ang pagkakaisa at pagtutulungan, at tanggihan ang pakikialam ng puwersang panlabas  para independiyenteng mapagpasiyahan at mapangalagaan ang kapayapaan ng rehiyon.


Positibong papel ang ginampanan ng Tsina sa pagpapabuti ng kalagayan sa Gitnang Silangan.


Ang obdiyektibo at walang pinapanigang paninindigan nito ay malawak na tinatangap ng mga bansa sa rehiyon, dahil ang paninindigang Tsino ay angkop sa kapakanan ng rehiyon at hangarin sa kapayapaan.


Kaya masasabing ang pagpapanumbalik ng relasyon ng Saudi Arabia at Iran ay magandang pasimula sa pagsasakatuparan ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio