Ayon sa “Ulat ng Kalagayan ng Populasyon sa Daigdig sa 2023,” Abril 19, 2023 ng United Nations Population Fund (UNPF), nakatakdang malampasan ng Indiya ang Tsina sa pagiging bansang may pinakamalaking populasyon sa daigdig.
Ito’y resulta ng alintuntunin ng pag-unlad ng populasyon, anang UNPF.
Ngunit sa pagbabalita ng ilang media ng kanluran, nagbago ang esensya ng isyung ito.
Sa katotohanan, nitong ilang taong nakalipas, walang-tigil ang paghahanap ng dahilan ng ilang media ng kanluran para gamitin ang patakaran ng populasyon, pagtaas ng bilang ng mga matatanda, at pagbaba ng bilang ng mga isinisilang upang lutuin ang naratibong, kung mawawala ang “demographic dividend,” magkakaroon ng resesyon ang Tsina at ito’y magdudulot ng napakalaking kapinsalaan sa kabuhayang pandaigdig.
Sa kabila nito, nananatiling matatag ang pag-unlad ng Tsina.
Kasabay ng pagpupumilit ng panig Amerikano upang pigilan ang pag-unlad ng Tsina at panunulsol upang magkaroon ng “pagkalas sa Tsina,” isinusulong nila ang bagong punto mula sa ulat ng UNPF upang pukawin ang teoryang umano’y “resesyon ng Tsina.”
Sinasadya nilang balewalain ang modelo ng pag-unlad ng Tsina at bentahe ng landas na tinatahak nito sa pagkakamit ng napakalaking tagumpay.
Tinatangka rin nilang siraang-puri ang Tsina sa pamamagitan ng pagsusulong ng ideyang “paghalili ng Indiya sa Tsina bilang bansang may pinakamalaking populasyon.”
Layon nilang ilipat ang mahahalagang industriya mula sa Tsina papunta sa Indiya, at pigilin ang pag-unlad ng Tsina.
Sa kasalukuyang lipunan na ating ginagalawan, ang pagbaba ng bilang ng mga isinisilang at pagbaba ng kagustuhang magka-anak ay unibersal na problemang kinakaharap ng mundo.
Ito ay may mahigpit na kaugnayan sa pag-unlad ng kabuhayan, konsepto at kamalayan ng mga tao, at iba pang mga elementong panlipunan at pangkabuhayan.
Bukod pa riyan, kung pag-uusapan ang “demographic dividend” ng Tsina, dapat bigyang-pansin hindi lang ang bilang, kundi maging ang kalidad.
Sa kasalukuyan, may halos 900 milyong lakas-manggagawa ang Tsina, at mahigit 15 milyon ang karagdagang bilang ng lakas-manggagawa kada taon.
Ibig sabihin, nananatili pa ring namumukod na bentahe ng Tsina ang mayamang lakas-manggagawa.
Higit sa lahat, mahigit 240 milyong populasyon sa Tsina ay mayroong mataas na edukasyon, at 14 na taon ang karaniwang panahong kanilang ginugol sa pag-aaral.
Kaya, hindi nawawala ang “demographic dividend,” bagkus, nabubuo ngayon ang "talent dividend" sa Tsina.
Nananatili pa ring napakalakas ang puwersang tagapagpasulong sa pag-unlad ng bansa.
Salin: Lito
Pulido: Rhio