Sa pag-uusap Miyerkules, Abril 19, 2023 sa Beijing nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Ali Bongo Ondimba ng Gabon, napagpasiyahan nilang itaas ang relasyon ng dalawang bansa sa lebel ng "comprehensive strategic cooperative partnership."
Ani Xi, matibay ang pagkatig ng Tsina sa pagtahak ng Gabon sa landas ng pag-unlad na angkop sa sariling pambansang kalagayan.
Kasama ng Gabon, nakahanda aniya ang Tsina na makipagtulungan hinggil sa mga isyung may kinalaman sa nukleong interes; at pasulungin ang kooperasyon sa imprastruktura, industriya ng kagubatan at pangingisda, didyital na ekonomiya, at sonang pang-industriya.
Bilang tugon sa kasalukuyang hamong pandaigdig, tinukoy ni Xi, na kailangang palakasin ng Tsina at mga bansang Aprikano ang kooperasyon at pagkakaisa; magkasamang igiit ang mga pundamental na prinsipyo ng pandaigdigang relasyon; at matatag na tutulan ang power politics, hegemonismo, at pakikialam sa mga suliraning panloob ng ibang bansa.
Matatag ang pagkatig ng Tsina sa pagtahak ng Aprika sa independiyenteng landas ng pag-unlad at mga mahalagang usaping gaya ng seguridad ng pagkaing-butil, proseso ng pagsasa-industriya, at green development, saad ni Xi.
Ipinahayag naman ni Bongo na iginigiit ng Gabon ang patakarang isang Tsina at kinakatigan ang mahahalagang ideya ng panig Tsino na gaya ng Belt and Road Initiative, Global Development Initiative, at Global Security Initiative.
Nagpasalamat din siya sa tulong ng panig Tsino sa pag-unlad ng Gabon nitong nakalipas na mga panahon, at umaasa siyang ibayo pang mapapahigpit ng dalawang bansa ang kooperasyon sa imprastruktura, agrikultura at turismo.
Aniya pa, winewelkam ng Gabon ang pamumuhunan at pagnenegosyo ng mga bahay-kalakal ng Tsina.
Matapos ang pag-uusap, magkasamang sinaksihan ng dalawang pangulo sa paglagda sa mga dokumento ng kooperasyon sa mga larangang kinabibilangan ng pamumuhunan, agrikultura, konstruksyon ng lunsod at pagbabago ng klima.
Ipinalatastas din nila ang magkasanib na pahayag hinggil sa pagtatatag ng comprehensive strategic cooperative partnership ng dalawang bansa.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio