Abril 26, 2023, Miyerkules, nag-usap sa telepono sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Volodymyr Zelenskyy ng Ukraine, para magpalitan ng palagay hinggil sa relasyon ng dalawang bansa at krisis ng Ukraine.
Tinukoy ni Xi na palagiang maliwanag ang paninindigang Tsino sa pagpapasulong ng relasyon ng dalawang bansa at kahit anuman ang pagbabago ng kalagayang pandaigdig, nakahanda pa rin ang Tsina na pasulungin, kasama ng Ukraine, ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan ng dalawang bansa.
Kaugnay ng krisis ng Ukraine, sinabi ni Xi na palagiang iginigiit ng Tsina ang pulitikal na paglutas sa isyung ito sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian.
Saad ni Xi na bilang pirmihang kasaping bansa ng United Nations Security Council at isang responsableng malaking bansa, ang Tsina ay hindi magkikibit-balikat sa krisis na ito, hindi palalalain ang krisis at hindi gagamitin ang krisis bilang pagkakataon ng pagkuha ng kapakanan.
Dagdag pa ni Xi na ipapadala ng Tsina ang espesyal na kinatawan sa Ukraine at ibang mga bansa para isagawa ang malalim na pag-uugnayan hinggil sa pulitikal na paglutas sa krisis na ito.
Nakahanda rin ang Tsina na patuloy na ipagkaloob ang mga makataong tulong sa Ukraine, ani Xi.
Ipinahayag ni Zelenskyy na iginigiit ng Ukraine ang patakarang isang Tsina at nakahandang isagawa ang komprehensibong kooperasyon sa Tsina. Inilahad din niya ang palagay hinggil sa kasalukuyang krisis.
Pinasalamatan ni Zelenskyy ang makataong tulong ng Tsina sa Ukraine at tinatanggap ang pagganap ng Tsina ng mahalagang papel sa pagpapanumbalik ng kapayapaan at paglutas sa krisis sa pamamagitan ng paraang diplomatiko.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil