Damascus — Sa kanyang pakikipagtagpo Abril 29, 2023 kay Zhai Jun, dumadalaw na espesyal na sugo ng pamahalaang Tsino sa isyu ng Gitnang Silangan, ipinahayag ni Pangulong Bashar al-Assad ng Syria ang lubos na paghanga sa ibinibigay na suporta ng panig Tsino sa Syria sa pag-unlad ng kabuhayan at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan ng bansa, partikular na pagkakaloob ng maagang tulong makaraang yanigin ng lindol ang bansang ito.
Ani Assad, inaasahan ng kanyang bansa na sa balangkas ng “Belt and Road,” patuloy na mapapalakas ang pragmatikong kooperasyon ng kapwa bansa sa iba’t-ibang larangan.
Bumati rin siya sa matagumpay na pamamagitan sa rekonsilyasyon ng Sauri Arabia at Iran. Ipinalalagay aniya niyang magagampanan nito ang mahalaga at positibong impluwensiya sa kayariang pandaigdigan at situwasyong panrehiyon.
Winiwelkam ng Syria ang pagpapatingkad ng panig Tsino ng mas malaking papel sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagang panrehiyon, diin pa niya.
Ipinahayag naman ni Zhai na nitong ilang taong nakalipas, patuloy na sumusulong ang relasyong Sino-Syrian, at walang patid na lumalakas ang pagtitiwalaang pulitikal ng kapwa bansa.
Nakahanda aniya ang panig Tsino na isakatuparan kasama ng panig Syrian ang mahalagang napagkasunduan ng mga lider ng dalawang bansa, at patuloy at matatag na susuportahan ang nukleong kapakanan ng isa’t-isa upang matamo ng mapagkaibigang kooperasyon ng dalawang bansa ang bago at positibong progreso.
Nakahanda ang panig Tsino na patuloy na mapapatingkad ang konstruktibong papel sa pagpapabuti ng relasyon ng Syria sa mga bansang Arabe, dagdag pa niya.
Salin: Lito
Pulido: Ramil