Espesyal na sugo ng UN sa isyu ng Myanmar, kinatagpo ni Qin Gang

2023-05-02 11:55:23  CRI
Share with:

Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo Mayo 1, 2023 kay Noeleen Heyzerm dumadalaw na espesyal na sugo ng Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN) sa isyu ng Myanmar, ipinahayag ni Qin Gang, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na masalimuot ang kalagayan ng isyu ng Myanmar, at walang mabilis na kalutasan sa isyung ito.


Sinabi niya na dapat igalang ng komunidad ng daigdig ang soberanya ng Myanmar, at katigan ang iba’t-ibang paksyon ng Myanmar na sa balangkas ng konstitusyon at batas, paliitin ang kanilang alitan sa pamamagitan ng diyalogong pulitikal upang muling pasimulan ang proseso ng transisyong pulitikal.


Dagdag pa niya, dapat igalang ang pagsisikap ng mediyasyon ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).


Ipinahayag naman ni Heyzerm ang lubos na paghanga ng UN sa ibinibigay na mahalagang papel ng panig Tsino sa pagpapasulong ng paglutas sa isyu ng Myanmar.


Umaasa aniya siyang patuloy na makakapagbigay ang panig Tsino ng positibong ambag para sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran ng Myanmar.


Salin: Lito

Pulido: Ramil