Sinabi Mayo 1, 2023 ni Tagapagsalita Nasser Kanaani ng Ministring Panlabas ng Iran na naisaoperasyon na ang tatlong misyong diplomatiko ng bansa sa Riyadh at Jeddah.
Ayon kay Kanaani, kabilang sa nasabing tatlong misyong diplomatiko ay embahada ng Iran sa Riyadh, konsulado at tanggapan sa Organization of Islamic Cooperation (OIC) sa Jeddah.
Noong taong 2016, naputol ang relasyong diplomatiko ng Saudi Arabia at Iran.
Sa suporta ng panig Tsino, nagdiyalogo sa Beijing ang mga kinatawan ng kapwa bansa mula noong Marso 6 hanggang 10 ng kasalukuyang taon kung saan nilagdaan at ipinalabas ng Tsina, Saudi Arabia, at Iran ang magkakasanib na pahayag na nagdeklarang sumang-ayon ang Saudi Arabia at Iran para panumbalikin ang kanilang relasyong diplomatiko.
Ipinagdiinan ng tatlong panig na magkakasamang magsisikap upang mapangalagaan ang pundamental na norma ng pandaigdigang relasyon at mapasulong ang kapayapaan at kaligtasan ng rehiyon at buong daigdig.
Salin: Lito
Pulido: Ramil