Kaugnay ng pagbisita sa Taiwan ng delegasyon ng 25 defense contractor ng Amerika, ipinahayag kahapon, Mayo 5, 2023 ni Mao Ning, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA), na muling hinimok ng panig Tsino ang Amerika na sundin ang prinsipyong isang Tsina at mga tadhana ng tatlong magkasanib na komunike ng dalawang bansa, at itigil ang pagbebenta ng mga sandata sa Taiwan at kontak na militar ng Amerika at Taiwan.
Sinabi ni Mao na ang pagbisita ng delegasyon ng defense contractor ng Amerika sa Taiwan ay nagpapakitang humihigpit ang kontak na militar ng Amerika at Taiwan. Ito aniya ay nakakapinsala sa kapakanan ng mga kababayang Taga-Taiwan.
Inulit ni Mao na ang pagbebenta ng sandata ng Amerika sa Taiwan ay lumalabag sa prinsipyong isang Tsina at mga tadhana ng tatlong magkasanib na komunike ng dalawang bansa at palagian at matatag na tinututulan ng panig Tsino ang isyung ito.
Idiniin ni Mao na gagamitin ng panig Tsino ang mga hakbangin para matatag na pangalagaan ang soberanya at kapakanang panseguriad ng bansa.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil