Ipinahayag Lunes, Mayo 8, 2023 ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA), na ang idinaraos na Summit ng Tsina at Gitnang Asya ay muhon ng relasyon ng dalawang panig.
Naniniwala aniya siyang sa pamamagitan ng magkakasamang pagsisikap ng iba’t ibang panig, babalangkasin sa summit na ito ang bagong blueprint para sa relasyon ng Tsina at Gitnang Asiya.
Ang Summit ng Tsina at Gitnang Asya ay idaraos sa lunsod Xi’an, lalawigang Shaanxi ng Tsina mula Mayo 18 hanggang 19. Pangunguluhan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang summit na ito at dadaluhan nina Pangulong Kassym-Jomart Tokayev ng Kazakhstan, Pangulong Sadyr Nurgozhoevich Japarov ng Kyrgyzstan, Pangulong Emomali Rahmon ng Tajikistan, Pangulong Serdar Berdimuhamedov ng Turkmenistan at Pangulong Shavkat Miromonovich Mirziyoyev ng Uzbekistan.
Ipinahayag ni Wang na sa summit na ito, magpapalitan ang mga lider ng iba’t ibang bansa ng palagay hinggil sa konstruksyon ng mekanismo ng Tsina at Gitnang Asya, kooperasyon sa iba’t ibang larangan at mga mahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig.
Saad pa ni Wang na lalagdaan ng mga lider ng iba’t ibang bansa ang mahalagang dokumentong pulitikal.
Ayon pa sa ulat, sa paanyaya ni Pangulong Xi, magsasagawa ang nabanggit na mga pangulo ng mga bansa ng Gitnang Asya ng dalaw-pang-estado sa Tsina mula Mayo 16 hanggang 20.
Kaugnay nito, sinabi ni Wang na kasama ng mga bansa ng Gitnang Asya, nakahanda ang Tsina na sa pamamagitan ng naturang pagdalaw, ibayo pang palalawakin ang komprehensibong kooperasyon, at relasyon ng dalawang panig, para bigyang-ambag ang kapayapaan, katatagan, kaunlaran at kasaganaan ng rehiyong ito at buong daigdig.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil