Pangalawang Pangulong Tsino, nagtungo sa Netherlands

2023-05-14 13:56:56  CRI
Share with:

Sa paanyaya ng pamahalaan ng Netherlands, bumiyahe si Pangalawang Pangulo Han Zheng ng Tsina sa bansa mula Mayo 10 hanggang 12, 2023.


Sa pakikipagkita kay Haring Willem-Alexander, sinabi ni Han na sa pamamagitan ng estratehikong pamumuno nina Pangulong Xi Jinping at hari, nananatiling malusog at matatag ang relasyon ng Tsina at Netherlands.


Lumalaki aniya ang halaga ng bilateral na kalakalan, at matatag na sumusulong ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng agrikultura, komunikasyon, at sustenableng pag-unlad.


Sa pamamagitan ng biyaheng ito, umaasa si Han na ibayo pang maisasakatuparan ang mahalagang napagkasunduan nina Xi at Willem-Alexander upang mas malaking pag-unlad ang matamo ng bukas at pragmatikong partnership ng dalawang bansa.


Ipinahayag naman ni Willem-Alexander na ang problema sa kapaligiran ay pinakamahalagang suliraning kinakaharap ng sangkatauhan sa ika-21 siglo.


Hinggil dito, hanga aniya siya sa natamong bunga ng Tsina sa pangangalaga ng yamang-tubig at isyu ng kalusugan.


Sinabi pa ng hari na ginagampanan ng Netherlands at Tsina ang mahalagang papel sa aspekto ng sustenableng pag-unlad at pangangalaga sa kapaligiran, at dapat palakasin ng kapuwa bansa ang kooperasyon tungo sa pagpapasulong ng pandaigdigang neutralidad sa karbon at pagbabawas ng emisyon sa hangin.  


Samantala, sa kanya namang pakikipagtagpo kay Punong Ministro Mark Rutte ng Netherlands, ipinahayag ni Han, na sa diwa ng paggagalangan at pagtitiwalaan sa isa’t-isa, magkasamang hinaharap ng kapuwa bansa ang mga hamon at iginagarantiya ang katatagan ng global production at supply chains nitong ilang taong nakalipas.


Ito aniya ay nakakapagbigay ng ambag para sa kabuhayan ng Tsina’t Netherlands, at buong daigdig.


Nakahanda aniyang magsikap ang Tsina, kasama ng Netherlands upang mapasulong ang malusog na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa at magkasamang mapalakas ang kapayapaan, katiwasayan, at kasaganaan ng daigdig.


Wala pangkapakanan at pundamental na hidwaan sa pagitan ng Tsina’t Europa, bagkus, may napakalaking pagkokomplemento ng bentahe ang kapuwa panig, kaya nais pasulungin ng Tsina ang mas mabuting pag-unlad ng relasyong Sino-Europeo sa pamamagitan ng aktuwal na kooperasyon, dagdag pa ni Han.


Ayon naman kay Rutte, ang Tsina ay mahalagang katuwang na pangkalakalan ng Netherlands.


Malakas aniya ang relasyon ng dalawang bansa, at malaki ang espasyo ng pragmatikong kooperasyon sa mga larangang tulad ng kabuhayan at kalakalan, mababang-karbon, at pagbabago ng klima.


Nakahanda ang Netherlands na pasulungin ang kooperasyon ng dalawang bansa, at palakasin ang kooperasyong pansiyensiya’t panteknolohiya sa larangan ng pagbabago ng klima, saad ng punong ministro.


Salin: Lito

Pulido: Rhio