CMG Komentaryo: Paggamit sa isyu ng Taiwan para pigilan ang pag-unlad ng Tsina, maling kalkulasyon ng Amerika

2023-05-15 15:45:55  CRI
Share with:

Inihayag kamakailan ni Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika ang “matinding paghikayat” sa World Health Organization (WHO) na anyayahan ang rehiyong Taiwan na lumahok sa 2023 WHO Conference bilang tagamasid.


Ito ay isa pang paglilinlang ng panig Amerikano sa isyu ng Taiwan.


Nitong ilang taong nakalipas, madalas na ipinalulutang ng ilang bansang kanluraning pinamumunuan ng Amerika ang ingay sa isyu ng Taiwan.


Kasunod ng pagbisita sa Taiwan ni Nancy Pelosi, dating Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Kongresong Amerikano noong Agosto 2022, ipinalabas ng mga ministrong panlabas ng Group of Seven (G7) ang isang umano’y magkakasanib na pahayag na humihiling sa panig Tsino na huwag baguhin ang status quo sa Taiwan Strait sa pamamagitan ng dahas.


Ito ay isang malaking pagkakamali.


Napakalinaw na ang pinakamalaking banta sa kapayapaan ng Taiwan Strait ay ang separatistang aksyon ng “puwersang naninindigan sa pagsasarili ng Taiwan” at panunulsol at pagsuporta ng mga dayuhang puwersa sa layuning ito.


Sila ang tunay na nakakapagpalala sa situwasyon sa Taiwan Strait.


Ang pagtatangka ng Amerika, kasama ang mga kaalyado nito, na panghimasukan ang isyu ng Taiwan at pagpapalutang sa umano’y “pagkakasundo” sa daigdig ay maling kalkulasyon.


Hindi na sikreto na ang G7 ay nagsisilbing kagamitan sa pangangalaga ng hegemonya ng Amerika.


Pero dahil sa pagsulpot ng mga bagong-sibol na ekonomiya, nitong ilang taong nakalipas, patuloy ang pagbaba ng presensya ng G7 sa daigdig.


Ang umano’y “pagkakasundo” ng G7 ay hindi kumakatawan sa hangarin ng komunidad ng daigdig.


Sa katunayan, inulit ni Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya sa panahon ng kanyang biyahe sa Tsina noong isang buwan, ang paggalang at pananangan ng kanyang bansa sa prinsipyong isang-Tsina.


Ipinahayag din niya na dapat gawin ng Europa ang desisyon sa isyu ng Taiwan alinsunod sa kanilang sariling kapakanan.


Ang isyu ng Taiwan ay pinakanukleong kapakanan ng Tsina, at ang prinsipyong isang-Tsina ay unibsersal na pagkakasundo ng komunidad ng daigdig at pundamental na norma ng relasyong pandaigdig.


Ito rin ay pundasyong pulitikal sa pagkakaroon ng relasyong diplomatiko ng Tsina at ibang bansa.


Salin: Lito

Pulido: Rhio