May balitang nagsasabing hihilingin ng napipintong Group of 7 (G7) Summit sa Hapon na sumunod ang Tsina sa pandaigdigang panuntunan. Pero, bago pag-usapan ang mga internasyonal na panuntunan, mahalagang linawin muna kung ano ang mga ito.
Para sa napakaraming bansa sa buong mundo, ang internasyonal na panuntunan ay binubuo ng mga pangunahing pamantayan na nagpapatakbo sa mga ugnayang internasyonal, batay sa mga layunin at prinsipyo ng Karta ng United Nations (UN), at dapat itong sundin ng lahat ng mga bansa.
Bihirang binabanggit ng G7 ang Karta ng UN, ngunit, patuloy itong nagsasalita tungkol sa "demokrasya" at sa di-umano’y "patakarang nababatay sa panuntunang pandaigdig."
Bukod pa riyan, kapag nagsasalita ang mga bansa ng G7 tungkol sa internasyonal na panuntunan, tinutukoy lamang nila ang mga patakaran ng kanluran na naglalatag ng mga limitasyon batay sa kanilang ideolohiya, at pagpapahalaga.
Ang mga patakarang ito ay pabor lamang sa G7, na dominado ng isang maliit na grupo ng mga bansa, at hindi para sa pangkalahatang interes ng komunidad ng daigdig.
Habang nananawagan ang G7 na sumunod ang ibang bansa sa internasyonal na panuntunan, patuloy nilang nilalabag at binabalewala ang mga ito.
Sa katunayan, nitong mga nagdaang taon, umalis ang Estados Unidos sa 17 internasyonal na organisasyon at kasunduan, kasama na ang UNESCO at Paris Agreement.
Hindi rin makatarungan ang pag-eespiya ang Amerika sa mga bansa sa buong mundo, kasama na ang mga kaalyado nito sa G7; pagpapataw ng diplomatikong presyur sa mga bansa; at pagpapataw ng pang-ekonomiyang pagpapahirap at pang-militar na pakikialam.
Maliwanag din ang panghihimasok ng Amerika sa Afghanistan, Iraq, Syria, at iba pang mga bansang mas maliit at mahina, kung saan libu-libong inosenteng sibilyan ang napatay at napalikas.
Kaya kung pag-uusapan ang tungkol sa internasyonal na panuntunan, dapat munang iwasto ng Amerika ang mga sariling gawa.
Wala sa posisyon ang Amerika na magturo sa ibang mga bansa.
Ang unang bagay na dapat gawin ng Amerika, kasama ang Hapon at iba pang miyembro ng G7, ay magbayad ng kanilang utang sa UN, alisin ang mga tropang nasa Syria, itigil ang pagtatapon ng nuklear na kontaminadong tubig sa karagatan, ihinto ang paghahasik ng dahas at pagpapakana sa pagkakawatak-watak, at itigil ang paggamit ng internasyonal na panuntunan bilang preteksto sa paghahangad ng mga layuning pang-primasiya at pansariling interes.